Home HOME BANNER STORY BFAR ships tinutukan ng laser ng Chinese vessel – ulat

BFAR ships tinutukan ng laser ng Chinese vessel – ulat

MANILA, Philippines- Nanutok ng laser ang isang barko ng China laban sa dalawang sibilyang sasakyang pandagat sa ilalim ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.

Nangyari umano ang laser harassment sa BFAR noong Disyembre 2 bandang alas-8 ng gabi na umano’y tumagal nang humigit-kumulang limang minuto, ayon sa ibinahaging impormasyon ng BFAR.

Walang nasaktang tripulante sa insidente ngunit may ilang nagsabing sanhi ng pananakit ng mata ang liwanag ng laser.

Nasa Hasa-Hasa Shoal ang BRP Datu Matanam Taradapit at BRP Datu Tamblot para magbigay ng suplay sa mga mangingisda doon at patungo sila sa Pag-asa Island para sa siyentipikong pananaliksik.

Pinuna ng BFAR ang China sa pinakahuling insidente ng maritime aggression.

Samantala, inilarawan ni Chester Cabalza, presidente ng Manila-based think tank International Development and Security Cooperation, ang insidente bilang isang probokasyon at isang uri ng pananakot.

Sinabi ni Cabalza na ang pinakabagong insidente ng laser-pointing ay maaaring “teknikal” na ituring na isang armadong pag-atake.

Dagdag pa ni Cabalza, ang patuloy na panggigipit ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na itinuturing ng China na sarili nitong karagatan, ay humantong sa suporta mula sa ibang mga bansa na nagsasabing kinakailangang ipaglaban ang soberanya ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden