Home OPINION TAKOT NANG MAPAHIYA?

TAKOT NANG MAPAHIYA?

SABI ni House Quad Committee chairman at Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers, hindi na kailangan pang muling imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa susunod na pagdinig kaugnay sa umano’y extra judicial killings sa kampanya kontra iligal na droga noong nakalipas na administrasyon.

Aniya, napiga na ng mega-panel ang dating Pangulo ng sapat na impormasyon kaya naman ang kanyang pagdalo noong nakaraang buwan ang una at huli niyang pagdalo.

Ayon pa kay Barbers, narinig na ng mga mambabatas ang pagbubunyag ng dating Pangulo at may mga inamin na rin ito sa kanyang pagdalo sa pagdinig sa Senado.

Unang dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28 si FPRRD kung saan nagbigay siya nang napakahabang testimoniya at dumalo rin sa pagdinig ng House QuadComm noong Nobyembre 13.

Samantala, sinabi din ni Cong. Barbers na magpapatuloy pa ang House Quad Comm sa pagsasagawa ng mga pagdinig hanggang sa susunod na taon kaugnay sa mga kaso ng EJK sa ilalim ng Duterte drug war.

Sa mga nasabing pagdinig, maayos na naipaliwanag ng dating pinuno ng bansa ang kanyang mga kasagutan sa katanungan na ibinigay sa kanya ng mga miyembro ng Senado at ganoon din sa mga miyembro ng Kamara.

Hindi kaya ang isang dahilan kung bakit ayaw na padaluhin sa pagdinig si dating Pangulong Duterte ay dahil palagi na lang silang nabobokya sa mga sagot ng kanilang pilit iginigisa at ipinapahiya sa mga tao.

Ang lumalabas kasi, sa halip na magisa at lumabas na kahiya-hiya o katawa-tawa si FPRRD, ay nagmumukhang engot ang mga mambabatas na nagtatanong dito. Hindi nga nakapagtanong iyong mga mambabatas na nagsiga-sigaan noong mga nakaraang committee hearing.

At tila ang gusto lang nilang matanong o magisa ay iyong sa palagay nila ay kaya nilang takut-takutin sa kanilang walang kamatayang “I’ll Cite You In Contempt!”

O hindi na muling ipatatawag ang dating Pangulo dahil wala naman silang makuhang magandang sagot dito at natatakot na silang muling mapahiya at magmukhang “engot” sa mga ibinabato nilang tanong sa kanilang resource person.

Nakalulungkot lang na ang ilan sa mga nasa komite na nagnanais na maipakulong talaga si dating Pangulong Duterte ay pawang nasa kabilang bakod ng pamahalaan at nais nilang makaganti dahil marami sa kanilang mga miyembro ang kumalas sa kanilang grupo at nahikayat ng administrasyong Duterte na bumaba sa bundok at magbagong buhay kasama ng kanilang mga pamilya.

Hindi naman ikinaila ni FPRRD na maraming namatay sa kanyang war on drugs pero ang mga ito karamihan ay pawang may kinalaman sa droga.

Pero ang men in uniform, sundalo man o pulis, na pinatay ng mga rebelde o ng New People’s Army na pinoprotektahan ng ilang mga mambababatas, hindi ba’t kailangan din nila ng katarungan? Hindi ba’t ang pagpatay ng mga NPA sa ating mga mamamayan at mga sundalo at pulis ay paglabag sa karapatang pantao?

Naku, wag na sanang tangkilikin ang mga mambabatas na pawang ang hangad ay para lang sa kanilang kabutihan at pag-angat ng kanilang sariling antas at kabuhayan.

Magising na dapat sina Juan at Juana Dela Cruz na iginigisa ng mga mambabatas at ibang opisyal sa sarili nilang mantika. Huwag na pasilaw sa ibabayad sa ating mga boto.