NAKAPAGTALA muli ng panibagong Guinness World Record ang Pilipinas para sa pinakamaraming tao na sabay-sabay na nagtanim ng binhi ng kawayan sa iba’t ibang lokasyon sa Mindanao at sa Leyte nitong Oktubre 18, 2024.
Sa pag-organisa ng Department of Science and Technology (DOST) at Kawayanihan Circular Economy Movement ay nakapagtanim ng sabay-sabay sa may labing-siyam na lokasyon ang kabuuang 2,305 katao.
Binigyang-diin ni DOST Secretary Renato Solidum, Jr. na ang layunin ng aktibidad ay para palawakin ang kaalaman tungkol sa kahalagahan ng kawayan sa pagsusulong ng circular economy, katatagan sa klima, at sustainability, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon.
Gayundin sa muling paggamit, pag-resiklo, at pagbabawas ng epekto sa kapaligiran upang labanan ang pagbabago ng klima.
Paliwanag ng DOST Forest Products Research and Development Institute, ang kawayan ay isang mahalaga at lubhang nagagamit bilang materyal para sa mga sustenableng estruktura, muwebles, at instrumentong pangmusika.
Ang kawayan ay mahalaga sa kalikasan dahil kaya nitong sumipsip ng malaking halaga ng carbon dioxide mula sa atmospera. Sa pag-aaral, ang isang ektarya ng mga kawayan ay maaaring sumipsip ng hanggang 12 toneladang carbon dioxide bawat taon. Naglalabas din ito ng 35 porsyento ng higit na oxygen kumpara sa mga puno.
Nahahadlangan ng mga ugat at rhizome ng kawayan ang pagkakaroon ng erosion ng lupa gayundin sa pagpapanatili nito. Maaari din itong mapagkunan ng bioenergy.
Samantala kamakailan lamang ay itinampok ng DOST ang mga inobasyong nagagawa sa kawayan kabilang ang upuan, mesa, at kama para sa disaster relief, octagonal jointing system para sa konstruksiyon, at mga pellet para sa heat at power generation sa ginanap na National Science, Technology and Innovation Week sa Cagayan de Oro City na sumentro sa temang “Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon”.