MANILA, Philippines- Umabot sa P152 milyon ang halaga ng mga pekeng tsinelas/sapatos na ‘Crocs’ ang nasabat ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos salakayin ang pagawaan ng tsinelas noong Sabado sa lalawigan ng Pampanga.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 24, sa paglabag sa Intellectual Property Code, sinalakay ng mga tauhan ng CIDG Pampanga Field Unit at San Simon police ang pagawaan ng tsinelas na may tatak na Crocs, laban sa isang nagngangalang “Chongjian,” isang Chinese national na siyang nagpapatakbo ng mga pekeng produkto sa ilalim ng pangalan ng kompanyang Apexel sa Global Aseana Park 2, San Simon, ng nasabing lalawigan.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang higit sa 45,000 piraso ng mga pekeng tsinelas na may tatak na “Crocs,” molding plates, raw materials, machinery, sales invoices, at mga order slips.
Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil, mas lalo pang pinaigting ng pamahalaan kontra smuggling na sinasabotahe sa ekonomiya.
“This operation demonstrates our unwavering commitment to uphold the rule of law and protect the interests of businesses and consumers. Counterfeit goods not only undermine legitimate enterprises but also pose significant risks to public safety,” ani Marbil.
Patuloy namang pinaghahanap ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code.
Itinurn-over naman sa mga kinatawan ng Crocs ang lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa pag-iingat habang nakabinbin ang pagdinig ng kaso na nakatakda sa Peb. 26, 2025. Mary Anne Sapico