NOONG panahon ng kampanya para sa 2022 Presidential Elections, panay ang pangako ng noo’y kandidato sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gagawin niyang P20 bawat kilo ng bigas.
Nang manalo sa pampanguluhan at ngayon ay Panagulong Bongbong Marcos na siya, panay pa rin ang kanyang pangako na gagawa ng paraan upang bumaba ang presyo ng bigas.
Naupo siyang pansamantalang kalihim ng Department of Agriculture upang makagawa ng paraan na ang mga produktong ani ng mga magsasaka ay mabigyang proteksyon subalit wala pa ring nangyari.
Nilagdaan na ni Pangulong Marcos ang Executive Order 62 kung saan buhat sa 35 poryentong taripa ay ibinaba na sa 15 porsyento sa kagustuhang maibaba ang presyo ng bigas subalit wala namang pagbabago sa presyo sa merkado at ang umano’y nakinabang lang sa batas na pirmado ng Pangulo ay ang mga importer at negosyante.
Kaya ibig sabihin nito, tahasang naloko ang gobyerno dahil nawalan ito ng P12 bilyon kita na dapat ay galing sa taripa. Bukod pa sana ay naipamahagi ng pamahalaan bilang ayuda sa mga magsasaka ang nawalang kita ng pamahalaan.
Naniwala ba naman kasi ang Pangulo sa kanyang sulsultan na kapag ibinaba ang taripa, bababa ang presyo ng bigas sa pamilihan at hindi na makapagsasamantala ang mga importer, na hindi naman nangyari. Sa halip, mas kumita ang mga importer at naiwan na naman sa kangkungan ang mga lokal na magsasaka.
Panay-panay na ang pagbubukas ng Kadiwa ng pamahalaan upang makapagbenta ng murang bigas subalit hanggang ngayon ay mataas pa rin ang presyo nito para sa mga mahihirap na mamimili.
Noong panahon ng Duterte Administration, sobrang mahal ng presyo ng droga kung kaya’t napakahirap bumili bukod pa sa napakaraming takot na lumantad sa pagbebenta.
Pero ngayon, sabi lang naman, mas mura pa raw ang shabu kesa sa bigas. Kaya naman nasabing mura siguro dahil mas marami ang nakabibili nito. Kahit nga mahirap, nakabibili ng shabu kasi naman, sabi nga ng isang opisyal ng pamahalaan, napananatili nitong masigla sa trabaho.
Dahil kaya sa mga problemang ito kaya binubutasan ang nakaraang administrasyon? Maaaring oo pero maaaring hindi rin.
Maraming bulag sa mga tao pero marami rin ang mataas ang antas ng talino na kaya nilang limiin kung ano nga ba ang totoong problema ng bansa.
Bigas at droga nga lang ba ang problema? Siyempre pati korapsyon at kawalan ng trabaho, hindi sapat na edukasyon at kawalan ng seguridad sa kalusugan.
Ang dami palang problema ng bansa kaya kelangang magising na ang taumbayan.