MANILA, Philippines- Nananatiling committed ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magsagawa ng marine research missions sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng nagpapatuloy na agresyon ng China Coast Guard (CCG).
“Hindi ito ang unang pagkakataon na binomba ‘yung barko ng BFAR at alam niyo naman na hindi tayo nagpapatinag, tuloy pa rin naman ang pagsasagawa ng mandato ng ahensya sa kabila nga mga iresponsable, marahas, na aksyon ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea,” ang sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera.
Ang opisyal na anunsyo na ito ng BFAR ay matapos na bombahin ng tubig at sagiin ang vessels ng ahensya sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay).
Ayon sa Fisheries bureau, ang mga barko nito na BRP Datu Sanday at BRP Datu Pagbuaya ay nasa routine mission na may scientific team para mangolekta ng sand samples sa lugar bilang bahagi ng marine scientific research initiative.
Ang Philippine scientific team ayon sa BFAR ay nagawang tapusin ang operasyon nito sa Pag-asa Cays 1, 2 at 3 sa kabila ng “aggressive, dangerous, at illegal” actions ng CCG at Chinese maritime militia vessels.
Sinabi ng burukrasya na nangyari ang insidente sa loob ng territorial sea ng Pilipinas sa lugar sa Pag-asa Island at Pag-asa Cay 2, bahagi ng Kalayaan Island Group sa WPS.
“Hindi ito magiging dahilan para tumigil tayo na gawin ang misyon, mandato ng ahensya sa pakikipagtulungan ng ibang concerned agency like the Philippine Coast Guard… nasa karagatan tayo na sakop ng teritoryo ng Pilipinas, may karapatan tayo na magsagawa ng mga gawain, ayon sa mandato ng aming ahensya,” ang sinabi ni Briguera.
Sa isang kalatas, sinabi ng China Coast Guard na gumamit ito ng “control measures” laban sa Philippine vessels, ilegal umano itong nanghimasok sa katubigan na malapit sa Subi Reef at Sandy Cay.
Sinabi naman ni CCG spokesperson Liu Dejun na isa sa Philippine vessels “dangerously approached” at nakabangga ng CCG ship, at ang responsibilidad “lies entirely” sa panig ng Pilipinas.
Pinabulaanan naman ni Briguera ang paratang ng CCG, binigyang-diin nito na maipapakita ng ebidensya kung sino talaga ang aggressor o atakador sa partikular na insidente.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas tayo ng ebidensya kung sino talaga kumabaga ang gumawa ng provocative action sa mga ganitong pagkakataon,” ang sinabi ni Briguera.
Tinuran pa nito na ang paggalaw ng vessels ng CCG “would entail thousands of pesos doon sa damage kasi itong mga barko natin hindi basta-basta ‘yung mga materials ng mga barko natin… thousands, maybe millions of pesos.”
“Nasa ano naman ‘yan, protocol na kapag nagkaroon ng damage ibabalik sa home court …ia-assess ‘yung damage,” ang sinabi ni Briguera. Kris Jose