Home NATIONWIDE BI nagbabala sa pekeng eTravel websites na naniningil ng bayad

BI nagbabala sa pekeng eTravel websites na naniningil ng bayad

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado, Marso 23 sa publiko laban sa mga scammer na nagpapatakbo ng pekeng website na may bayad para sa registration ng eTravel, o ang electronic travel declaration system.

Iginiit ni BI Commissioner Norman Tansingco na libre ang registration sa eTravel platform.

Hinimok ni Tansingco ang mga biyahero na magrehistro lamang sa pamamagitan ng official website ng pamahalaan na https://etravel.gov.ph.

“We advise the traveling public to be cautious and register exclusively on the official government website, or through the eGovPH application. The eTravel registration process is absolutely free of charge,” saad sa pahayag ni Tansingco.

Aniya, mayroon silang natatanggap na sumbong mula sa mga pasahero ng pekeng eTravel websites na naniningil mula P3,000 hanggang P5,000.

Hinimok din ng BI chief ang mga biyahero na nakaranas ng pekeng website o indibidwal na naniningil para irehistro sila sa eTravel na isumbong agad sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa pamamagitan ng hotline 1326.

Bukod sa lehitimong eTravel website, mayroon ding eTravel kiosks sa mga paliparan.

“We are thankful to our partners in government for providing these kiosks for use of the traveling public,” ani Tansingco.

Ang eTravel ay inilunsad noong 2023. Ito ay isang single data collection platform para sa mga dumarating at umaalis na pasahero, border control, health surveillance, at economic data analysis.

Ang proyektong ito ay sa pakikipagtulungan ng ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Tourism, DICT, at Department of Transportation. RNT/JGC