MANILA, Philippines- Sa harap ng pananalasa ng mga bagyo, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na manatiling mapagbantay sa panganib ng leptospirosis sa panahon ng tag-ulan.
Ipinagpatuloy din ni Go ang kanyang pangako na pagbibigay ng agarang tulong sa mga komunidad na apektado ng mga natural na kalamidad.
Noong Martes, ang Malasakit Team ni Senator Go, sa pakikipagtulungan nina Governor Nina Ynares, Mayor Sidney Soriano ng Morong, at Mayor Jun Ynares ng Antipolo City, ay namahagi ng food packs sa 1,250 pamilya sa lalawigan ng Rizal na naapektuhan ng bagyong Enteng.
Bilang adopted son ng CALABARZON, si Go ay tumutulong sa mga biktima ng bagyo na makabangon kung saan ang kanyang grupo ay nagsagawa ng relief operations sa Sitio Pag-Asa Multipurpose Hall sa Antipolo City, Tanay Municipal Gym, at Roman Tantiangco Memorial Elementary School sa Morong.
“Sa panahon ng tag-ulan at pagbaha, kailangan nating bantayan ang ating kalusugan, lalo na sa leptospirosis,” ani Go.
“Huwag nating balewalain ang panganib na dala nito. Lagi tayong mag-ingat sa ating kalusugan,” dagdag niya.
Ang Leptospirosis, isang bacterial infection na kumakalat sa pamamagitan ng tubig na kontaminado ng ihi ng daga, ay nagdudulot ng malaking banta sa kalusugan sa panahon ng baha at malakas na pag-ulan.
Bilang chairman ng Senate committee on health and demography, ang proactive stance ni Senator Go ay bahagi ng kanyang mas malawak na misyon na pahusayin ang imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa, lalo sa malalayong lugar.
Patuloy niyang sinusuportahan ang pagtatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa, isang mahalagang inisyatiba na idinisenyo upang magbigay ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan na mas malapit sa mga komunidad upang mabawasan ang dagsa ng pasyente sa mga pangunahing ospital.
“Kung kayo po ay may sintomas ng leptospirosis o anumang sakit, makakapagbigay ang SHC ng pangunahing serbisyong medikal, konsultasyon, o kaya maagang pagtukoy sa mga sakit,” sabi ng senador. RNT