Home NATIONWIDE Bilang ng overseas voters sinisikap mapataas ng Comelec

Bilang ng overseas voters sinisikap mapataas ng Comelec

MANILA, Philippines- Kabuuang 600,000 overseas Filipinos ang “deactivated” sa listahan ng mga botante para sa 2025 midterm elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ito ay nag-iiwan ng humigit-kumulang 1 milyong rehistradong botante na overseas Filipino worker, na sinabi ni Garcia ma masyadong mababa kumpara sa bilang ng mga OFW sa buong mundo. 

Target ngayon ng Comelec na madagdagan ang bilang ng mga rehistradong OFW na botante sa pamamagitan ng pagpapakilala ng internet voting sa susunod na taon na halalan.

“Nalulungkot ako sapagkat nung nakaraang eleksyon nung 2022… Dito rin tayo sa Korea… ang registered voter po dito sa Korea ay 4,517… Unfortunately, ang nakaboto ay 2,900 lang,” sabi ni Garcia.

Aniya, mayroong 82 foreign service posts sa buong mundo at humigit -kumulang 1,697 milyong rehistradong botante.

Nitong Sabado, pinangunahan ni Garcia at Philippine Ambassador to South Korea Ma. Theresa Dizon-De Vega ang pagbubukas ng  “Online Voting and Counting System Training and Internet Voting Information Drive for Training for Filipino Community Leaders,” kung saan hiniling nila sa kanila na hikayatin ang kanilang mga miyembro na magparehistro bilang mga bagong botante o mag-apply para sa muling pagsasaaktibo ng kanilang katayuan sa pagboto. 

Sa ilalim ng internet voting program, maaring bumoto ang mga OFW gamit ang kanilang sariling mobile phone o anumang gadget at hindi na kailangang pumunta sa pinakamalapit na embahada o konsulado.

Bagama’t pinapayagan ang pagboto sa pamamagitan ng koreo sa ilang foreign post, sinabi ni Garcia na 90 porsyento ng mga balotang ipinadala sa koreo ay hindi naibalik.

Ayon kay Ambassador Dizon-De Vega, aktibo na silang nagsasagawa ng field registration at mobile registration para sa mga OFW. Ang South Korea ay tahanan ng mahigit 60,000 OFWs, karamihan sa kanila ay mga mamamayang Pilipino pa rin.

Ang pangunahing hamon ay hikayatin ang OFWs na magrehistro at makilahok sa edukasyon, ayon sa ambassador.

Higit 50 Filipino community leaders ang dumalo sa pagsasanay na ginawa sa Busan, South Korea. Jocelyn Tabangcura-Domenden