ILAN taon ding nakaranas nang maayos at maluwag na daloy ng trapiko ang mga motoristang tumatahak sa kahabaan ng Blumentritt sa Sta Cruz, mula Rizal Avenue hanggang bago sumapit ang Chinese General Hospital.
Katunayan, dahil malaki ang natitipid sa oras ng biyahe ng mga magtutungo sa gawi ng A.Bonifacio Avenue papuntang Quezon City mula Maynila, dito sila dumadaan dahil ito ang pinakamabilis na daan kapag maluwag ang daloy ng sasakyan.
Maging ang mga pampublikong sasakyan na biyaheng Novaliches at Retiro, nakinabang sa maluwag na daloy ng trapiko sa Blumentritt dahil kapag mabilis ang biyahe, malaki ang kanilang kinikita.
Pero sa paglipas ng panahon, tila unti-unti na namang bumabalik sa dati ang naturang lansangan na paborito yatang paglatagan talaga ng mga paninda dahil dinarayo talaga ito ng mga mamimili.
Mura kasi ang mga paninda ritong mga karne ng manok, baboy at baka dahil sentro itong bagsakan ng mga sariwa at maging ng mga frozen meat, mga isda at iba’t-ibang uri ng lamang dagat.
Ngayon, kung madadaan ka ng Blumentritt, hindi na maginhawa ang daloy ng trapiko dahil unti-unting bumabalik muli ang vendors, hindi sa bangketa, kundi sa mismong lansangan, lalo na sa pagitan ng Felix Huertas St. at Leonor Rivera.
Ilang hakbang lang ang Blumentritt Detachment kung saan ang hepe ay si PMaj Jake Arcilla pero dedma lang ito sa mga vendors na halos sakupin ang kalahati ng kalsada.
Dati nga, ang clean-up operation sa mga pangunahing lansangan, kahit bangketa ay nadaraanan ng pedestrians pero ngayon, mula sa Felix Huertas hanggang P. Guevarra St. wala ka nang masulyapang bangketa dahil inokupa na ng vendors.
Naalala ko pa sa panahon ng dating hepe ng detachment na si Capt. Ferdinand Cayabyab, bago pa lang magbukang-liwayway ay sinisimulan na nila ang pagpapatrulya at pagtataboy sa mga pasaway na vendors kaya pagsapit ng liwanag, malinis na ang lansangan at maluwag na nadaraanan ng mga motorista.
Kaya lang, pulis lang ba ang dapat sisihin sa pagdami ng pasaway ng vendors? Ano ang papel ng barangay? Tanong tuloy ng marami, may maayos namang pag-uusap ang mga pulis at barangay para payagang makapamayagpag ang sidewalk vendors sa lansangan kapalit ng pagdurusa ng mga motorista at pedestrians?






