SA nakaraang State of the Nation Address, binanggit ni Bongbong Marcos, Jr. ang tungkol sa mga presyo, tulong, at katiwalian. Ngunit hindi niya sinabi ang laki ng utang at kalagayang pampinansyal ng bansa.
Paulit-ulit nating naririnig, maayos raw ang ekonomiya, gumaganda ang pamamalakad, nilalabanan ang katiwalian, tiwala pa rin ang mga mamumuhunan.
Ngunit ang ekonomiya ay nagpapatotoo na lagapak ito. Ang katotohanan ay wala sa talumpati at palakpakan.
Sa ikalawang quarter ng 2026, lumago lamang ito ng 2.3% — pinakamahina mula 2021. Malayo sa target na 3.5–4.5%. Bumagsak ang konstruksyon ng 14.8%, pababa ang pamumuhunan ng 9.2% — ikaapat na magkakasunod na buwan.
Ang paggastos ng pamilya ay tumaas lamang ng 2.8% dahil kinakain ng pagtaas ng presyo ang kakayahan nilang bumili.
Ang utang ay umabot na sa ₱19.07 trilyon, o 66% ng GDP — pinakamataas mula 2004. Lumalaki ang utang habang humihina ang ekonomiyang dapat sumuporta rito. Hindi masama ang umutang — kung gagamitin sa pagpapalago.
Ngunit ang inutang ay napupunta sa nakaw at nagagastos nang mali kaya asahang puro pasanin ang mamanahin ng susunod na henerasyon.
Hindi nagagamit sa paaralan, ospital, o proyekto. Unti-unting nawawalan ng kakayahan ang pamahalaan dahil sa mga utang.
May malalim na problema sa ekonomiya ngunit hindi inaamin. Kapag hindi naabot ang target, nasisira ang buong plano ng kita, paghiram, at pagbabayad.
Ngayong taon, manghihiram pa ng hanggang ₱2.68 trilyon. Bawat piso ay dapat ay may malinaw na pakinabang — trabaho, pag-unlad, pagbawas ng hadlang sa ekonomiya. Kung wala, dagdag-pasanin na naman ito.
Diyan nakikita ang krisis–sa hindi natatapos na mga gusali, kakapusan sa pondo, ipinagpapalibang mga proyekto, pagtaas ng buwis at kaunting serbisyo mula sa bawat pinagpapaguran nating buwis.
Hindi napapatunayan sa mga boladas ang katatagan ng bansa — kundi sa mabilis na kakayahang magbayad kaysa sa pangungutang, pagbalik ng tiwala, at nararamdamang pag-unlad ng bawat Pilipino.






