Home NATIONWIDE Bong Go: Ipaglaban ang kalayaan mula sa kahirapan, hamon sa kalusugan

Bong Go: Ipaglaban ang kalayaan mula sa kahirapan, hamon sa kalusugan

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong Go” sa mga Pilipino na pagnilayan ang walang hanggang kahalagahan ng Araw ng Kalayaan para sa bawat Pilipino.

Binigyang-diin ni Go ang patuloy na kaugnayan ng mga sakripisyong ginawa ng ating mga ninuno at ang patuloy na mga hamon na kinakaharap ng bansa.

“Sa pagdiriwang natin sa ika-126 anibersaryo ng pagkakadeklara ng kalayaan ng Pilipinas, kinakailangan na maunawaan ng bawat Pilipino ang tunay na diwa ng Araw ng Kalayaan,” ani Go.

Sa pagninilay-nilay sa mga makasaysayang sakripisyo, ipinaalala ni Go ang malalim na kagitingan at sakripisyo ng ating mga ninuno, na ang pagsisikap ay hindi lamang nakamit ang kalayaan kundi tiniyak din ang isang masaganang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.

“Muli nating ginugunita ang dakilang sakripisyo at pag-aalay ng buhay ng ating mga ninuno para sa kalayaan at magandang kinabukasan ng sambayanang Pilipino. Ito ay sumasalamin din sa ating pagkakaisa saan man tayo naroroon,” dagdag niya.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Go ang mga modernong hamon na patuloy na sumusubok sa kalayaan at dignidad ng bansa, kabilang ang kahirapan, kawalan ng trabaho, hindi pagkakapantay-pantay ng kita, at karapatan sa malayang pagpapahayag.

Binanggit din ni Go ang patuloy na pagbabanta sa soberanya ng Pilipinas, tulad ng mga dayuhang panghihimasok sa mga teritoryo at karagatan ng bansa.

“Bilang isang lahi, kinakaharap din natin ngayon ang banta ng panghihimasok sa ating teritoryo at saklaw na karagatan,” paliwanag ni Go.

Inihalintulad ang mga bayani ng nakaraan at ang pang-araw-araw na kabayanihan ng mga Pilipinong nagtatrabaho para mapabuti ang bansa, nanawagan ang senador para sa muling pagsiklab ng pagkamakabayan at paglilingkod sa ating pang-araw-araw na buhay.

Dapat aniyangh alalahanin na ang pagkakamit ng kalayaan ay nangyayari sa paggunita sa nakaraan at patuloy na pakikipaglaban, pagkakaisa, at pagbabayanihan.

“Tulad ng mga bayani natin noon, sana ay patuloy nating isadiwa ang ating pagmamahal sa bayan, pagseserbisyo, at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino sa araw-araw nating mga gawain,” anang senador.

Kilala bilang “Mr. Malasakit”, naniniwal si Go na ang paglilingkod nang may malasakit sa kapwa ay isang landas sa pagpapanatiling buhay ang diwa ng kalayaan.

Hinimok ni Go ang lahat ng Pilipino na yakapin ang tunay na diwa ng kalayaan at ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan para sa mga susunod na henerasyon. RNT