Home NATIONWIDE Bong Go kinilala bilang ‘cancer warrior’

Bong Go kinilala bilang ‘cancer warrior’

MANILA, Philippines – TUMANGGAP ng pagkilala si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate commitee on health and demography, bilang cancer warrior sa paglulunsad ng Cancer Warrior PH Campaign.

Ang inisyatiba ay naglalayong itaas ang kamalayan at isulong ang maagang pagtuklas ng kanser sa buong bansa. Ginunita ang World Cancer Day noong Pebrero 4.

Sa kanyang video message na ipinalabas sa pormal na paglulunsad ng kampanya sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City noong Pebrero 6, sinabi ni Go na ikinararangal niyang maging bahagi ng okasyon kung saan ay inihayag niya ang sariling pananaw sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.

“Hindi maikakaila na ang kanser ay isang salot sa ating lipunan na nagdudulot ng matinding pasakit hindi lamang sa mga pasyente kundi pati sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay,” sabi ni Go.

“Pinagtitibay natin ang ating paninindigan na hindi tayo basta-basta magpapatalo sa kanser. Ang Cancer Warrior PH Campaign ay simbolo ng ating pagkakaisa at determinasyong magbigay ng mas mataas na kalidad ng buhay sa bawat Pilipino,” dagdag ng senador.

Pinangunahan ng GeneLab PH at suportado ng iba’t ibang sektor, ang kampanya ay nakatuon sa pagpapalawak ng edukasyon sa kanser at pagpapahusay ng mga pamamaraan sa screening ng sakit.

Pinuri ni Go ang Department of Health, mga lokal na pamahalaan at mga ospital sa buong bansa na nagpahayag ng kanilang suporta at kahandaang ituloy ang kampanya.

“Ito ay patunay na kapag nagkakaisa, walang imposible. Salamat sa lahat ng naging bahagi ng pagpapalaganap ng kaalaman at pagkalinga, lalo na sa mga healthcare providers na walang sawang naglilingkod para sa ating mga kababayan,” ani Go.

Lubos na nagpasalamat si Go sa pagkilala sa kanya bilang cancer warrior sa pagsasabing ito ay lalong nagpalakas sa kanyang determinasyon na lalo pang magsikap.

“Ang parangal na ito ay hindi lamang para sa akin, kundi para sa bawat isa sa atin na patuloy na lumalaban at nagsusumikap para sa mabuting kalusugan ng bawat Pilipino,” idinagdag ng senador.
Hinimok niya ang lahat na magtulungan, magkaisa, at harapin ang hamon ng cancer nang sama-sama.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang cancer ang pangalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino noong 2023. Tinataya ng World Health Organization na humigit-kumulang 141,000 ang bagong kaso ng cancer at 86,000 ang namamatay sa cancer sa Pilipinas kada taon.

Ang pangako ni Go sa pagpapabuti ng pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas, partikular sa espesyal na pangangalagang pangkalusugan, ay pinatunayan ng pagsasabatas sa Republic Act 11959, kilala rin bilang Regional Specialty Centers Act. Si Go ang pangunahing sponsor at isa sa mga may-akda nito sa Senado.

Ang batas na ito ay nag-uutos sa pagtatayo ng mga Regional Specialty Center sa mga regional hospital ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Go, patuloy niyang itinutulak ang karagdagang badyet para sa National Integrated Cancer Control Program, partikular na para sa pagkuha ng karagdagang mga gamot sa kanser at pagpapalawak ng programa sa pag-access sa mga gamot sa kanser. RNT