Home NATIONWIDE Bong Go: Magsama-sama, sugpuin ang korupsyon

Bong Go: Magsama-sama, sugpuin ang korupsyon

MANILA, Philippines – Kinilala ni Senador Christopher “Bong” Go ang bahagyang pagsulong ng Pilipinas sa Corruption Perceptions Index (CPI) score ngunit patuloy aniya na dapat magsikap ang bawat isa upang labanan ang katiwalian.

Sa 100, ang Pilipinas ay tumaas sa 34 noong 2023 na ulat ng Transparency International o isang puntong pagtaas mula sa nakaraang taon.

Sa kabila ng katamtamang pag-unlad na ito, na ang Pilipinas ay nasa ika-115 na ngayon sa 180 bansa, nananatiling mababa sa pandaigdigang average ang Pilipinas–isang pahiwatig na nagpapatuloy ang mga hamon ng korupsyon.

Binigyang-diin ni Go na kailangan ang sama-samang pagsisikap upang labanan ang katiwalian, na katulad ng paglaban sa krimen at iligal na droga, ito ay nangangailangan ng diskarte sa buong bansa.

“Dapat ang mga ordinaryong mamamayan ay makilahok din sa kampanya upang masugpo ang korapsyon. Kung may nakikita kayong pangungurakot sa kaban ng bayan, isumbong ninyo at sama-sama nating linisin ang ating sistema,” iginiit ni Go.

Bilang Special Assistant to the President noong nakaraang administrasyon, pinangasiwaan ni Go ang pagtatatag ng Truth and Justice Coalition, na nagbigay ng kapangyarihan sa mga stakeholder ng pribadong sektor na makiisa sa paglaban sa katiwalian.

Kamakailan lang ay tinalupan ng Senado ang “ayuda scam” kung saan binabawasan umano ang tulong pinansyal sa mahihirap, gayundin ang korupsyon na may kaugnayan sa agricultural smuggling at operasyon sa paliparan.

“Mabuti na lang ay may mga nagsumbong sa atin, kaya nga may ongoing investigation. Panagutin dapat ang mga nasa likod nito,” ani Go.

Isinulong din ni Go ang Senate Bill No. 1185 para sa Bureau of Immigration Modernization na layong pahusayin ang mga tauhan, kompensasyon, at pangkalahatang modernisasyon upang masugpo ang korapsyon sa ahensiya.

“Importante na ma-modernize po ang Bureau of Immigration para wala na po silang dahilang pumasok sa korapsyon at mai-improve pa natin ang sistema nito,” sabi ni Go.

Inihain din niya ang SBN 194 o ang panukalang E-Governance Act na magtatatag ng isang panloob na sistema ng impormasyon sa pamamahala ng mga talaan, isang database ng impormasyon, at mga digital na portal para sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.

“Kung may e-governance, mas magiging mabilis ang daloy ng proseso dahil sa paggamit natin ng makabagong teknolohiya. Maiiwasan din ang red tape at korapsyon dahil mas magiging transparent ang proseso at mababawasan ang face-to-face transactions,” banggit ni Go. RNT