Home NATIONWIDE Bong Go sa DOH: Bakuna vs rabies, tiyaking sapat

Bong Go sa DOH: Bakuna vs rabies, tiyaking sapat

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang Department of Health (DOH) na tugunan ang mga ulat na kakulangan ng bakuna laban sa rabies sa buong bansa, lalo’t tumaas ang kaso ng pagkamatay kaugnay nito.

Sa isang pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Go, ikinabahala ng senador ang pangamba sa accessibility at affordability ng anti-rabies treatment, partikular sa mga nasa malalayong lugar.

“Nakausap ko ang mga mayor, kulang daw ‘yung rabies vaccines ng DOH. How is the DOH addressing this? Paano ba ma-access itong rabies vaccine? May free rabies vaccine ba na available sa DOH at LGUs?” tanong ni Go.

Ang rabies ay isang viral disease na umaatake sa central nervous system, at nagiging sanhi ng pamamaga ng utak. Kapag lumitaw ang mga klinikal na sintomas, ang sakit ay nakamamatay.

Ayon sa World Health Organization (WHO), napakataas ng fatality rate ng rabies kapag hindi naagapan.

Gayunpaman, ang agarang post-exposure prophylaxis (PEP), kabilang ang serye ng mga pagbabakuna sa rabies at kung kinakailangan, rabies immunoglobulin, ay epektibong makapipigil sa pagkalat ng virus.

Ayon sa datos ng DOH, tumaas nang 23% ang kaso ng rabies mula Enero hanggang Setyembre 2024 o kabuuang 354 kaso. Sa Davao region pa lamang, 36 na pagkamatay ang naitala noong nakaraang taon dahil sa impeksyon sa rabies—50% na pagtaas kumpara noong 2023.

Binigyang-diin ni Senator Go na dapat apurahin ang pagtiyak sa pagkakaroon ng mga bakunang nakapagliligtas-buhay.

Kinumpirma ng mga eksperto mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nagbibigay sila ng libreng bakuna sa rabies sa mga pasyenteng nagpapagamot sa kanilang mga pasilidad.

Gayunpaman, ang mga kakulangan sa suplay sa mga lokal na sentrong pangkalusugan ay nananatiling hindi nareresolba.

“Ang RITM po ay may mga libreng rabies vaccine at ito po ay binibigay namin sa lahat ng mga pasyente na dumudulog po sa aming tanggapan, at ito po ay libre,” ani Atty. Analiza Duran, RITM’s managing director.

Ipinaliwanag din niya na maraming namamatay dahil ang mga biktima ay hindi agad humihingi ng medikal na atensyon pagkatapos makagat ng aso. Ang ilan ay hindi pinapansin ang kagat, sa pag-aakalang sila ay ligtas, at nagkakaroon ng mga sintomas kapag huli na para sa epektibong paggamot.

“Marami po tayong mga pasyente na nakakagat ng aso at hindi po sila dumudulog sa ating mga tanggapan sa ospital para magpa-anti-rabies.
Meron pong isinasawalang-bahala ang kanilang pagkakagat o ang pagkakaroon ng daplis, at ito po ay nagma-manifest o lumalabas ang mga sintomas na napakalayo na po sa araw ng kanilang pagkakagat,” paliwanag ni Duran.

Binigyang-diin ni Senador Go ang pangangailangan para sa isang konkretong diskarte upang mabawasan ang dami ng namamatay sa rabies at nanawagan siya sa mga opisyal ng DOH na tugunan ang mga concern sa supply ng bakuna.

Sinabi ni DOH Undersecretary Emmie Liza Perez-Chiong na nakabili ang ahensya ng 330 vials ng anti-rabies vaccines noong nakaraang taon ngunit naubos na ang supply.

Tiniyak niya sa mga mambabatas na ipinoproseso na ang pagkuha ng 2.7 milyong dosis at inaasahang maihahatid ito sa loob ng susunod na 30 hanggang 45 araw.

Hinimok naman ni Go ang DOH na makipagtulungan sa local government units para maayos ang pamamahagi ng bakuna laban sa rabies upang maiwasan ang pagkawala ng buhay. RNT