MANILA, Philippines – Sa isang pampublikong pagdinig noong Martes, umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang pagpapalabas ng matagal nang hindi nababayarang Health Emergency Allowance (HEA) ng healthcare workers para sa kanilang kritikal na serbisyo noong pandemya.
Noong nakaraang Kongreso, isa si Go sa may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng mga benepisyo at allowance sa healthcare workers sa panahon ng public health emergencies, tulad ng pandemya ng COVID-19.
Sa kabila ng pag-aalis ng State of Public Health Emergency sa bansa, patuloy siyang umaapela sa executive na i-release na ang nakabimbing HEA ng mga kwalipikadong healthcare worker.
Sa pagdinig, binanggit ni Go ang naging sakripisyo ng healthcare workers noong pandemya at inihayag ang kanyang pangako na tiyakin ang kanilang kapakanan, lalo sa paghimok sa mga kinauukulang ahensya na i-release ang kanilang HEA.
Sa talakayan, nabatid na mahigit P19 bilyon ang inilaan para sa HEA na may karagdagang P2.3 bilyon bilang unprogrammed funds.
“So, out of PhP731 billion (unprogrammed funds), P2.3 billion lang po ang inilaan sa unprogrammed funds ng HEA. Bakit po ganun kaliit?” ang kuwestyon ni Go.
Ipinaliwanag ni DBM Undersecretary Janet Abuel na ang P2.3 bilyon para sa HEA ay dagdag sa P19.962 bilyon na ibinigay sa ilalim ng badyet ng DOH sa parehong layunin.
Nilinaw ni Abuel na ang alokasyon ay batay sa matinding pagnanais ng DBM at ng Health committee na matupad ang mga dapat bayaran, kapwa sa public at private health workers hanggang sa health emergency allowance.
Bukod dito, binanggit din ni Abuel na pinayuhan ng DBM ang DOH na maaari nilang gamitin ang isa pang line item, ang Administration and Personal Benefits Fund (APB), na nagkakahalagang P12.775 bilyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), para madagdagan ang pondo para sa HEA. Ang diskarteng ito ay isang paraan upang higit pang suportahan ang mga health workers bukod pa sa nakalaang pondo.
Sa nasabing pagdinig, inihayag ng HCWs ang kanilang pagkadismaya at pagkadesperado.
“Wala na po kaming pagbabalingan. (Hindi na po) namin alam kung saan kami mababaling dahil nagpunta na po kami sa ilang legislators, nag-ingay na po kami sa social media for the longest time, for the past three years, para lamang po mabigyan ng kasagutan ‘yung mga katanungan namin regarding our Health Emergency Allowance,” sabi ni Ronald Ignacio ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP).
Sinabi naman ni Donell John Siazon ng University of Sto. Tomas Hospital Union na “We have proven our worth during the time of pandemic. Nung nakiusap po ang gobyerno na labanan ang COVID-19, we were there. Namatay po ‘yung mga kasamahan po namin sa front line.”
Kapwa naman nangako ang DOH at ang DBM na aayusin ang kanilang mga rekord at titiyaking mapapabilis ang mga dapat bayaran sa HCWs.
Inamin naman ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang pagkaantala at ang mga burukratikong hadlang kasabay ng pangangakong aayusin ang sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Sen. Go na patuloy niyang pangangasiwaan at susubaybayan ang isyu upang matiyak na ang mga HCWs ay matatanggap ang mga nararapat na kabayaran sa kanila. RNT