MANILA, Philippines – Sa paghahanda ng bansa para sa mas mainit na panahon ngayong Abril, hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na agad na magpatupad ng stop-gap measures para matugunan ang inaasahang yellow alert sa mga lugar na sakop ng Luzon grid dahil sa patuloy na pagdanas ng bansa ng El Niño weather phenomenon.
“Ang DOE ay dapat na agad na bumuo ng isang El Niño task force na magpupulong sa lahat ng power plants at distribution utilities upang planuhin ang contingency measures, kabilang ang pagpapatupad ng Interruptible Load Program (ILP),” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng programa, ang mga kalahok na konsyumer ay mabibigyan ng kompensasyon kapag gumamit sila ng kanilang sariling genarating facilities sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Ayon kay Gatchalian, dapat tiyakin ng DOE na ang power-generating plants, gayundin ang transmission facilities, ay sumusunod sa Grid Operating and Maintenance Program (GOMP). Ang programa ay naglalaman ng lahat ng schedule ng pagpapanatili ng mga power plant, substation, at transmission lines.
Higit pa rito, dapat hikayatin ng DOE ang mga konsyumer na maging maingat sa kanilang paggamit ng enerhiya sa mga buwan ng tag-init at gumamit ng mga produktong matipid sa enerhiya.
Nauna nang ibinunyag ng DOE na ang El Niño ay nakaapekto sa operasyon ng ilang hydroelectric plants at maaaring malagay sa alanganin ang suplay ng enerhiya sa mga lugar na sakop ng Luzon grid mula Abril hanggang Mayo.
“Kailangang tiyakin ng DOE na ang mga konsyumer ng enerhiya sa Luzon grid ay hindi malalagay sa isang delikadong sitwasyon na nakakaranas ng power interruption lalo na’t ang summer season ay ganap na ngayong epektibo,” sabi ni Gatchalian, na nagsisilbing vice-chairperson ng Senate Committee on Energy. Ang ibig sabihin ng yellow alert ay kung ang suplay ng kuryente ay mas mababa na sa itinalagang safety margin.
“Napakahalaga na ang gobyerno ay makapagbigay ng sapat na suplay ng enerhiya sa lahat ng oras, lalo na sa mga buwan ng tag-init. Dapat tayong magtulungang lahat upang matiyak na ang bawat pangangailangan sa kuryente ay sapat na natutugunan,” dagdag niya. Ernie Reyes