MANILA, Philippines – Mga posas sa kamay ang sumalubong sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3 sa isang British national Lunes ng umaga, Agosto 19 dahil sa paglabag sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan.
Hindi na nakapalag sa pinagsanib na pwersa ng PNP Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) at ng Women and Children Concern Section of the Manila Police District (WCCS MPD) ang 48-year-old British national matapos itong mamonitor na dumating sa NAIA Terminal 3.
Ayon sa report na inilabas ng PNP AVSEGROUP, ang British national na may Philippine address sa North Signal, Taguig, ay inaresto base sa warrant na inisyu ng National Capital Judicial Region, Branch 15, City of Taguig noong January 20, 2023 dahil sa paglabag sa Section 5(l) ng Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004” at pinayagang makapagpiyansa P72,000.00.
Sa ginawang pag-aresto, inimpormahan ang akusado ng mga reklamo laban sa kanya, at kung ano mga karapatan niya.
Ang buong proseso ayon sa AVSEGROUP ay nairecord gamit ang Alternative Recording Device (ARD), bilang pagsunod sa kautusan ng Korte Suprema hinggil sa paggamit ng Body-Worn Cameras sa pagsisilbi ng mga Warrant.
Ayon kay AVSEGROUP Director PBGen Christopher N. Abrahano, ang naturang matagumpay na operasyon ay patunay ng kanilang patuloy na pagtiyak na maipapatupad ang batas sa pamamagitan ng pag protekta sa vulnerable sector. Dave Baluyot