Home OPINION BULLY, ARMADO NG WATER GUN

BULLY, ARMADO NG WATER GUN

ANG pinakabagong ginawa ng China sa West Philippine Sea ay maikukumpara sa pagmamaktol ng isang bully sa pandaigdigang level. Ang paggamit ng coast guard nito ng  water cannons laban sa mga barko ng Pilipinas ay isang malamyang pagtatangka na magkaroon ng imaheng dominante ito sa mga lehitimong aktibidad sa dagat.

Para sa akin, ang Chinese Coast Guard ay parang ‘yung bully sa playground na nagwiwisik ng tubig sa maliliit na bata, umaasang sa pamamagitan niyon ay mapasusunod sila. Siguro, sa ngayon, ay napagtanto nang China na ang mga Pilipino ay hindi parang maliliit na bata na basta na lamang itinataboy.

Ang huling pag-atakeng ginawa ng China ay nangyari sa mismong lugar kung saan pinailawan ng isang barko ng CCG ng “nakabubulag” na laser light ang BRP Malapascua noong Pebrero.

Ang paggamit ng laser light para pansamantalang masira ang paningin ng mga tripulante sa barko ng Pilipinas ay hindi lamang isang simpleng prank; isa itong seryosong banta sa kaligtasan at paglabag sa pandaigdigang patakaran sa paglalayag.

Pero hindi lamang ito tungkol sa water cannons at laser lights. Ang pinag-uusapan dito ay ang lakas-loob na pag-aangkin ng China sa buong South China Sea.

Pinabulaanan na ng pandaigdigang ruling noong 2016, na pumabor sa Pilipinas, ang mga pag-aangking ito, pero pinili ng China na manggipit habang binabalewala ang nasabing desisyon, nagpamalas ng lantarang pagsuway sa pandaigdigang batas.

Ang mas malala pa, iginiit ng Beijing na pumalaot daw nang walang pahintulot ang mga barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal). Idinidikta na ba ngayon ng China kung saang bahagi ng pandaigdigang karagatan maglalayag ang mga bansa? Para bang ipinipilit ng isang kapitbahay na pribadong pag-aari niya ang sarili mong bakuran at itataboy ka ng tubig sa oras na magtangka kang magawi roon.

Hinihiling ng Pilipinas, nang may suporta mula sa Amerika, EU, Australia, at Japan, sa China na itigil na ang mga iligal nitong ginagawa at piliing tumalima sa mga pandaigdigang batas. Maikukumpara sa pagsita ng mundo sa isang batang spoiled na tigilan na ang pagpapasaway sa pambabalewala sa mga polisiya at irespeto ang karapatan ng bawat isa.

Walang makapagbibigay ng katwiran sa patuloy na panggigipit ng China sa mga barko at tripulanteng Pilipino sa rehiyon. Walang papasang palusot sa lantarang paglabag sa pandaigdigang batas at sa prinsipyo nang mapayapang pakikipamuhay sa isa’t isa.

Panahon nang itigil ng China ang pagpapaka-aroganteng Goliath at piliing maging responsableng kasapi ng pandaigdigang komunidad. Ang respeto sa mga pandaigdigang batas at karapatan ng iba pang mga bansa ay hindi dapat na optional, at mahalagang matutuhan ng China na ang mga ginagawa nila ngayon ay may konsekuwensiyang higit pa sa sarili nilang sumpong.

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).