Home OPINION CHAIRWOMAN PINAIIMBESTIGAHAN NG KONSEHO

CHAIRWOMAN PINAIIMBESTIGAHAN NG KONSEHO

ILANG dekada na ring namamayani ang pamilya Nolasco sa Barangay Potrero, ang pinakamalaking barangay sa Malabon City, dahil nasimulan ng kanilang ama ang maganda at maayos na pamumuno kaya pasalin-salin sa kanilang pamilya ang pagiging punong barangay.

Sa kasalukuyan, nakaupo bilang Punong Barangay si Sheryl Nolasco, ang anak nang napatay na dating Konsehal at naging Kabesa rin ng barangay sa Potrero na si Eddie Nolasco, na kailan man ay hindi natalo sa kanyang pagkandidato bilang barangay chairman.

Makulay ang naging buhay ng ama ni Sheryl dahil sa kabila ng kanyang mga nagawang mabuti sa kanilang barangay, dumami rin ang kanyang mga kaaway, lalo na sa politika, na hinihinalang motibo sa pagpaslang sa kanya noong Agosto 13, 2016.

Minsan na ring nasugatan sa ambus si Nolasco noong Nobyembre 16, 2013 nang pagbabarilin sa pinuntahan niyang lamay sa kanilang barangay subalit nagtago naman sa batas noong 2014 nang akusahan ng panghahalay sa isang 15-anyos na dalagita.

Sa kabila ng mga akusasyon laban sa pamilya Nolasco, nanatiling namamayagpag ang kanilang pamilya sa larangan ng politika dahil ang isa pang kapatid ni Chairwoman Sheryl ay nahalal din bilang konsehal habang kagawad naman ang isa pa niyang kapatid.

Ngayon, nakatuon naman kay Chairwoman ang balita dahil sa mga akusasyon laban sa kanya na nakatakdang imbestigahan mismo ng Sangguniang Panglungsod ng Malabon.

Mismong si Konsehal Dado Cunanan kasi ang naghain ng kahilingan sa Department of Interior and Local Government na imbestigahan si Nolasco sa mga akusasyon na ayon sa konsehal ng Malabon City ay may mga dokumento at salaysay mismo ng mga dating kasama ng chairmwoman.

Inakusahan si Nolasco nang paglalabas ng pondo ng barangay na nagkakahalaga ng P180,591.35 bilang pambayad sa pagpapagawa ng sasakyan ng isang Mylinn Arenillo na isang pribadong indibiduwal nang walang kaukulang resolusyon mula sa konseho ng barangay.

Nahuhumaling din umano si Nolasco sa pagsusugal sa Okada at gumagamit ng pekeng TIN number upang maitago ang kanyang pagiging opisyal ng barangay dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas.

Ang masakit pa, mismong ang sinasabing dating ka-relasyon ng chairwoman ang nagbunyag at gumawa ng sinumpaang salaysay sa pagsusugal ni Nolasco at siya ring nagbigay ng mga dokumento at resibo na patunay na nagwagi pa nga ng malaking halaga sa casino ang naturang opisyal ng barangay.

Bukod dito, ipinasisilip din ni Cunanan sa Sangguniang Panlungsod kung may travel authority si Nolasco nang magtungo  sila ng kanyang dating ka-relasyon sa Macau at China para lang umano magsugal.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.