Home OPINION BUNGA NG OIL CRISIS PAGTULUNGANG LUTASIN

BUNGA NG OIL CRISIS PAGTULUNGANG LUTASIN

128
0

ABOT-LANGIT na ang presyo ng mga produktong petrolyo.

May isang istasyong may presyong P101 kada litro ng ordinaryong diesel habang P106 ang espesyal na diesel at ang iba, may P93 ang ordinaryong diesel at 96 ang espesyal na diesel at naglalaro sa P90 ang gasolina.

Ganyan katindi ang presyuhan ngayon ng mga produktong petrolyo.

Ang maraming opisina, pinagagana na ang work-from-home at nagpapahinga na ang maraming pribadong sasakyan.

Dahil dito, hindi nakapagtatakang nabawasan na rin ang trapik dahil may mga pampublikong sasakyan, traysikel, jeep, TNVS, taxi, motor taxi at bus na ang humintong bumiyahe dahil sa pagkalugi.

Sinasabi ng gobyerno na walang problema ang suplay dahil may dalawang buwang suplay at naghahanap na ng ibang mapagkukunan, maging ang mga kompanya ng langis.

Nagkandaletse-letse ang suplay at presyo simula nang isara ng Iran ang Strait of Hormuz at sinasabing maaaring lalala ang sitwasyon kung itutuloy na ng Houthi sa Yemen ang pagsasara rin ng Bab al-Mandab Strait.

Pasukan-labasan ng mga oil tanker sa Persian Gulf ang Strait of Hormuz na daluyan ng 20% suplay ng langis sa buong mundo habang pasukan-labasan naman sa Red Sea ang Bab al-Mandab Strait na daluyan ng 12% suplay ng langis at 8% ng liquified natural gas.

Sa ngayon, pinapayagan ng Iran ang China, Turkey at India na maglabas ng mga langis sa Persian Gulf habang pinahihintulutan ng Houthi na dumaan ang mga bansa basta magbayad sila ng “entry fee.”

Habang walang nakatitiyak sa pagtatapos ng giyerang United States-Israel laban sa Iran, may nasisilip na pag-asa na gagaan ang problema sa suplay at presyo sa petrolyo sa mga susunod na linggo o buwan.

Dapat kumilos nang todo ang ating gobyerno para magkaroon tayo ng parte sa suplay at gumaan-gaan naman ang presyo na sobra nang pabigat na ikinahihirap at ikinagugutom na ng maraming Pinoy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here