Home OPINION IBA’T IBANG SAGOT SA KRISIS, ‘DI SAPAT

IBA’T IBANG SAGOT SA KRISIS, ‘DI SAPAT

179
0

NAPAKARAMING napakalalaking problema sa Pinas ang nilikha ng giyerang nilikha ng mga Amerikano at Israelita sa Gitnang Silangan.

Matatandaang umaga ng Pebrero 28, 2026 nang biglang bombahin ng United States at Israel ang kinaroroonan nina Iran Supreme Leader Ayatollah Khamenei sa Tehran, Iran at nasa 40 iba pang lider ng Iran at napatay ang mga ito.

Makaraan lang ng ilang oras, andiyan at sumabog na ang lahat sa rehiyon nang gumanti ang Iran at tamaan ang Israel, kasama ang mga base militar at pasilidad ng langis ng mga Amerikano at Arabo sa mga bansang Saudi Arabia, Bahrain, United Arab Emirates, Qatar, Oman, Iraq, Kuwait at Iran mismo.

Nadamay na rin ang mga sibilyan sa giyera, kasama ang nasa 2.8 milyong overseas Filipino workers sa rehiyon.

Marso 2, 2026 nang isara ng Iran ang Strait of Hormuz na ikinatigil ng suplay ng langis na bumubuo 20 porsyento sa mundo at ngayon, sinusubukan na ring isara ng mga Houthi ang Bab al-Mandab Strait na daluyan naman ng 12% ng iba pang langis mula pa rin sa Saudi Arabia, Egypt, Djibouti, Eritrea at iba pa.

Ang mga pagsasara ng daluyan ng langis at pagkasira ng mga pasilidad ng langis ang pangunahing dahilan ng krisis sa suplay at presyo ng langis sa buong mundo na nakasama na sa ekonomiya ng halos lahat ng bansa, kasama ang Pilipinas.

Habang tinitipa ito, nasa $105 na ang bawat bariles ng langis ngayon mula lamang sa nasa $63 lanang bago mag-Pebrero 28 kaya nagkakandaletse-letse na ang presyo ng langis sa Pinas at maaaring sasama pa sa mga darating na araw at linggo.

MGA SAGOT SA PROBLEMA

Sa Pilipinas, naririyan ngayon ang napakabilis na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na umabot na sa humigit-kumulang sa P100 kada litro ng diesel at humigit-kumulang sa P90 kada litro ng gasolina na dating nasa P64 lang sa diesel at gasolina noong Pebrero 28.

Dito na nagkandalugi-lugi ang mga pampasaherong sasakyan mula sa traysikel at jeepney hanggang sa mga taxi, TNVS, bus, barko, motorcycle taxi at iba pa.

Para makabawi, ang mga barko, nagtaas kaagad ng pasahe tao at kargo.

Bukas naman magiging epektibo ang P1-P2 dagdag-pasahe sa jeepney na may P.20 sentimos na dagdag makaraan ang 4 na kilometro.

Ang mga bus, taxi, TNVS at iba pa, susunod nang magtaas din ng pasahe.

May P5,000 ayuda na rin sa jeepney drivers at P1,500 sa trike drivers.

Babawasan o suspendihin na rin ng gobyerno ang excise tax sa gasolina na P10 kada litro, P6 sa diesel at tig-P3 sa kerosene at liquified petroleum gas at dito lang makikinabang ang iba pang may sasakyan at mamamayan.

Ang masama, kinambalan ang krisis sa suplay at presyo ng langis ng sobrang taas na ring presyo ng mga pagkain at pagtataas ng bayarin sa kuryente.

Kung ano pa ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng mga fresh na pagkain mula gulay hanggang isda at karne, sila pa ang sobrang mahal ngayon.

Ano-ano pa kaya ang mga pwedeng gawin ng gobyerno para mapagaan ang paghihirap ng mga mamamayan na may kasama nang kagutuman sa marami?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here