Home METRO Buntis, 2 pa patay sa aksidente sa kalsada noong Bagong Taon

Buntis, 2 pa patay sa aksidente sa kalsada noong Bagong Taon

MATALAM, Cotabato- Trahedya ang sinapit ng ilang indibidwal nitong Bagong Taon matapos masangkot sa isang aksidente sa kahabaan ng national highway sa lugar na ito nitong Miyerkules.

Sinabi ni Maj. Maxim Peralta, Matalam police chief, na nag-overshoot ang isang Suzuki multicab na may sakay na 12 indibidwal, kabilang ang apat na menor-de-edad, mula sa isang highway sa Barangay Central Malamote dakong alas-10 ng umaga.

Bumangga ang multicab sa metal railing sa gilid ng kalsada, dahilan upang tumilapon ang mga pasahero sa semento, dagdag ni Peralta.

Isinugod ng rescue workers ang mga sugatan sa lokal na ospital subalit nasawi ang tatlo sa kanila makalipas ang ilang oras.

Sinabi ni Dennis Pillado, isang off-duty na sundalo na nagmaneho ng sasakyan, na patungo sila sa bayan ng Pres. Roxas para magdiwang ng Bagong Taon kasama ang mga kaanak nang maganap ang aksidente.

Kinilala ang mga nasawi na sina Almira Pillado, Michelle Pillado na buntis, at Liza Rulida, kapwa residente ng Dalipe sa kalapit na bayan ng Mlang. RNT/SA