Home NATIONWIDE Business groups pinatutulong ng DSWD vs gutom

Business groups pinatutulong ng DSWD vs gutom

MANILA, Philippines – Humihingi ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pribadong sektor para tumulong na labanan ang malnutrisyon at gutom sa bansa.

Sa pakikipagpulong sa Management Association of the Philippines (MAP), sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang “whole-of-society” approach ay kailangan upang tapusin na ang social issues katulad ng gutom.

Ang gobyerno ay may ilang programa katulad food stamp program, kung saan maaaring makilahok ang business groups.

“Tulungan tayo doon sa baseline data. Alam naman natin laging hirap ang gobyerno at lahat tayo sa data. Dahil may experience sila at may mga miyembro sila na bahagi ng data gathering, data analytics, gagamitin natin ang kanilang mga miyembro sa paghubog ng maayos na pagsukat ng tagumpay ng pilot,” ani Gatchalian.

Maliban sa research, maaari ring tumulong ang business groups sa edukasyon, at awareness sa malnutrisyon at iba pang isyu.

“Sila magpapatakbo ng mga nutrition development sessions natin para sa mga benepisyaryo na to. Sila rin gumawa ng mga cookbook at recipe book at food journal,” dagdag niya.

Sinabi ni MAP President Benedicta Du-Baladad na tutulong din sila sa DSWD lalo’t nakaaapekto rin sa kalidad ng labor force ang gutom at kaugnay na isyu nito.

“[We’ll] lend management expertise in the whole system of food stamps. Not only that, but also in the Philippine Multi-Sectoral Nutrition Program,” sinabi ni Du-Baladad.

Layon ng DSWD na pumirma ng memorandum of understanding kasama ang MAP upang gawing-pormal ang pagtutulungan ng dalawa. RNT/JGC