Home NATIONWIDE Buwanang job fairs sa labas ng NCR target ni PBBM

Buwanang job fairs sa labas ng NCR target ni PBBM

TINITINGNAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng monthly job fairs sa mga lugar sa labas ng Metro Manila upang bigyan ang mga Pinoy ng pagkakataon na magkatrabaho.

Inihayag ito ni Pangulong Marcos matapos makiisa sa Career Con 2025 sa Pasay City.

“Kaya’t ito medyo pilot project ito. Kung maganda ang maging resulta, ang plano talaga namin ay gagawa kami ng ganito bawat – ng isang ganito bawat buwan para mapuntahan,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

“Hindi lamang dito sa Maynila kung hindi sa iba’t ibang lugar din. At para naman kahit na hindi na – para hindi na kailangan mapunta rito sa Maynila, sa NCR at puntahan natin ‘yung mga nais mag-apply sa iba’t ibang probinsya sa labas,” dagdag na wika nito.

Tinuran pa ni Pangulong Marcos na patuloy na bumababa ang bilang ng mga unemployed Filipino, sinabi pa na gagawin ng kanyang pamahalaan ang lahat ng paraan para masiguro na mas magiging mababa ang bilang.

”Pakaunti na lang nang pakaunti ang hindi empleyadong Pilipino ngunit hindi pa kami tapos doon,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi ng Philippine Statistics Authority na ang jobless individuals, mnay edad na15 pataas, nananatili sa 1.66 million noong November 2024. Ang pigura ay mas mababa kaysa sa 1.97 million jobless noong October 2024.

Inorganisa ng online job portal, ang Jobstreet ng SEEK, layon ng event na pagsama-samahin ang mga job seeker, mga industry expert, at mga top company “for an unparalleled opportunity to connect and thrive in their professional journeys.”

Tatakbo ang nasabing event mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, ngayong araw na may mahigit sa 100 hiring companies na sumasaklaw sa iba’t ibang industriya.

“This seeks to redefine the job-seeking experience by uniting employers and jobseekers, creating a dynamic platform to explore new opportunities, forging meaningful connections, and discussing the future of employment,” ayon sa ulat.

Samantala, sinabi naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na saklaw ng job fair ang iba’t ibang sektor gaya ng IT, tourism, hotel and restaurant, at maging overseas jobs.

Makatutulong din ang event na ito sa mga naghahanap ng trabaho sa kung paano lilikha ng resumes, lalo na iyong ‘first time job seekers.’

Umaasa naman si Laguesma na ang job fair ay makatutulong sa mga apektado ng POGO ban, partikular na sa internet gambling licensee (IGL), para makahanap ng bagong trabaho.

”Hopefully ma-qualify din ang ating IGL affected workers nang sa gayon eh makatransition sila smoothly sa bagong hanapbuhay,” ang sinabi ni Laguesma. Kris Jose