ANG dating magkasama na naging magkasanggang-dikit ngayon ay nanganganib na mabasag ang pagkakaibigan nila da sa magulong mundo ng pulitika.
Ang tinutukoy ko ay ang dating alkalde ng Maynila na si Francisco Dumagoso na lalong kilala sa pangalan niyang “Isko Moreno” at incumbent City mayor Honey Lacuna – Pangan.
Wala pang kompirmasyon mula sa kampo ni Yorme Isko hinggil sa lumalabas sa social media na pagtakbong muli sa pagka-alkalde ng Maynila sa darating na May 2025 midterm election.
Bukod kasi sa iba’t ibang platform na nagpapahaging sa pagbabalik sa Maynila, may mga post din ang dating punong lungsod na pahiwatig na balak bawiin ang minsan ay naging trono niya sa city hall.
Kapag nagkataon ay magkakatotoo ang kasabihang “Sa pulitika, walang permanenteng kaibigan kundi permanenteng interes lang”. Ito ay kung matutuloy ang labanang Moreno at Lacuna para mayor ng Maynila.
Hindi maitatatwa na ang dalawa ay tunay na magkasangga sa pulitika sa Maynila – si Isko ay nanalong Mayor at si Lacuna Bise Alkalde nang mag-tandem na lumaban noong 2019 election.
Pero kung sinoman sa kanila ang susuportahan ng mga Manileño at maging ama o ina ng lungsod, dapat ay magtulungan na lang dahil sa totoo lang, napakaraming problema ang Maynila.
Isang problema na dapat masolusyonan ay ang tabakan sa kalsada. Sirang-sira ang Maynila dahil sa walang patumanggang pangongotong ng mga enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Ako ay isa lamang sa napakarami nang saksi at nakaranas ng panghaharas ng mga tiwaling MTPB na gumagawa ng dispalinghadong traffic violation para makapangotong.
Hindi ko na ikukuwento ang katarantaduhan ng mga MTPB enforcer dahil “open book” na ang kanilang pangongotong pero ang hindi ko maintindihan ‘di kumikilos ang pamunuan ng lady executive para sana’y ‘di namamayani ang kotongan sa mga kalsada ng Maynila.
Sa totoo lang, bihira na akong dumaan ng maynila dahil ayaw kong makakita ng buwaya’t buwitreng MTPB enforcers.