Home HOME BANNER STORY Cainta church naglabas ng pahayag ukol sa viral na pari

Cainta church naglabas ng pahayag ukol sa viral na pari

Naglabas ng pahayag ang St. Francis of Assisi Parish sa Cainta, Rizal noong Abril 15 hinggil sa viral video ng isang pari na pinagsabihan ang mga nagtitindang palaspas sa loob ng simbahan.

Humingi ng paumanhin ang parokya ngunit nilinaw na hindi buo ang video at hindi nito ipinakita ang mga naunang pangyayari, tulad ng paalala sa mga tindero at umano’y pagbitiw ng hindi magandang salita laban sa pari.

“Gayunman, nais naming linawin na ang video na kumakalat ay hindi buo at may kinikilingang pananaw. Hindi nito ipinapakita ang mga pangyayaring naganap bago ang nakuhanang video. Nito pong umaga, nagpaalala na po ang mga opisyal ng parokya sa nagtitinda na hindi pinahihintulutang magbenta sa loob ng bakuran ng simbahan, bilang paggalang sa kabanalan ng lugar at alinsunod sa mga patakaran ng parokya. Sa kabila nito, nagkaroon ng pagtatalo kung saan may hindi kanais-nais na salitang ibinato sa pari. Ito po ang bahaging hindi naipakita sa naturang video,” ayon sa parokya.

Bagamat hindi kinukunsinti ang galit sa loob ng simbahan, hinikayat ng simbahan ang publiko na huwag basta humusga.

Nanawagan din ito na huwag nang ibahagi ang video at sa halip ay magdasal, maghilom, at panumbalikin ang kapayapaan sa komunidad.

“Buong paggalang po naming hinihiling sa lahat na huwag nang ibahagi ang naturang video, sapagkat hindi nito ipinapakita ang kabuuan ng pangyayari at maaari lamang itong makapagdulot ng higit pang kalituhan at pagkakawatak-watak. Sa halip, gamitin po natin ang pagkakataong ito upang manalangin, maghilom, at manumbalik ang kapayapaan sa ating komunidad,” dagdag pa. RNT