MANILA, Philippines- Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga mananampalataya na tularan ang buhay ni Hesus sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag sa iba.
Ang panawagan ng cardinal ay makaraang pangunahan ang misa bilang hudyat ng pagsisimula ng Traslacion ng imahe ng Black Nazarene sa Quirino Grandstand, Martes ng umaga.
Sa kanyang homiliya, hinikayat nito ang publiko na pag-isipan at tatlong aral—”makikita si Hesus, makita ni Hesus at ipakita si Hesus.”
“Ang tunay na deboto ay modelo. Makikita sa buhay niya ang mismong buhay ni Hesus. Ang deboto ay modelo ng pananalig sa Ama, at pagmamalasakit sa kapwa. Sa bahay man o sa trabaho, sa simbahan man o sa kalsada, dala-dala ng deboto sa puso niya ang pagkikita nila ni Hesus,” aniya.
Hinikayat din ng cardinal ang mga deboto na ipakita si Hesus sa bawat isa sa panahon ng Traslacion.
Sinabi ng cardinal na sa paghatak ng lubid, ipakita si Hesus na humahango sa sangkatauhan at umaayos sa mga buhol ng mga problema.
“Sa pagsalya natin sa likod ng andas, ipakita natin si Hesus na tumutulak sa atin upang makausad tayo sa pagbabagong-buhay. Sa pagtukod natin sa galaw ng prusisyon, ipakita natin si Hesus na nagliligtas sa atin upang hindi tayo mahulog sa kamalian at kapahamakan. Sa pagtimon natin sa galaw ng andas, ipakita natin si Hesus na gumagabay sa atin sa tamang landas,” mensahe ng cardinal.
Pinaalalahanan din niya ang mananampalataya at sinabi na sinumang naniniwala kay Hesukkristo ay hindi mahuhulog sa panganib ngunit makakamtan ang buhay na walang hanggan.
Samantala, ang mga deboto ay nasorpresa nang mapansin ang dalawang imahe ng Black Nazarene para sa aktibidad.
Isa rito ay ang imahe para sa “Pahalik” at ang isa ay para sa Traslacion mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Sinabi ni Quiapo Church rector Fr. Jun Sescon na ninais nilang gumamit ng dalawang wooden images ng Black Nazarene dahil ang prusisyon ay nagbabalik makaraan ang tatlong taon pagkatapos ng pandemya.
Hindi tulad sa nakalipas na mga taon, ang imahe sa Pahalik ay siya ring imahe sa prusisyon o Traslacion.
Ngayong taon, tinatawag na “Callejos Dos” ang imahe na ginamit sa “Pahalik” na nagsimula noong Enero 6 hanggang sa pagsisimula ng Traslacion habang ang “Vicario,” na may orihinal na 400-taong gulang na katawan na gawa sa kahoy kabilang ang mga paa ng imahe ay ginamit sa prusisyon.
Sinabi ng Simbahan ng Quiapo na nais nilang maging taimtim ang pagsisimula ng prusisyon dahil ito ang kaunang Traslacion matapos ang pandemya.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Fr. Sescon ang mga opisyal at volunteer na tumulong sa pagsisimula ng prusisyon.
Pinasalamatan din niya ang mga deboto na nakipagtulungan upang maging maayos ang Traslacion.
Umarangkada ang prusisyon alas-4:45 ng madaling araw pagkatapos ng midnight mass at vigil.
Inaasahang mas mapapaaga na makapasok sa dambana ng Quiapo Church ang imahe kumpara sa nakalipas na mga Traslacion. Jocelyn Tabangcura-Domenden