Home NATIONWIDE Carpio: PH-China oil deal dapat nasa ilalim ng batas ng Pilipinas, ‘di...

Carpio: PH-China oil deal dapat nasa ilalim ng batas ng Pilipinas, ‘di “joint development”

105
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang anumang posibleng kasunduan ng Pilipinas at China sa oil at gas exploration sa West Philippine Sea (WPS) ay dapat mahigpit na nakabatay sa batas ng Pilipinas at hindi sa tinatawag na “joint development” ng Beijing.

Ayon kay Carpio, ang likas-yaman sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay eksklusibong pag-aari ng bansa batay sa Konstitusyon at sa 2016 Arbitral Award. Aniya, “The use and enjoyment of the EEZ is reserved exclusively for Filipino citizens.”

Binigyang-diin niya na ang konsepto ng China na “joint development” ay nagpapahiwatig umano ng shared ownership, na hindi katanggap-tanggap. Sa halip, iminungkahi niya ang “joint cooperation” sa ilalim ng Philippine service contract system, kung saan malinaw na ang Pilipinas ang may-ari ng resources at batas ng bansa ang masusunod.

Babala niya, hindi sumang-ayon ang ibang bansa tulad ng Vietnam, Malaysia, at Indonesia sa ganitong framework ng China dahil maaari nitong ipakahulugan na pag-aari ng Beijing ang langis at gas.

Samantala, ilang mambabatas mula sa Akbayan ang nagpahayag ng pag-aalala na maaaring magmukhang “rewarding bad behavior” ang anumang kasunduan sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Rep. Percival Cendaña, maaari itong magbigay ng maling mensahe na ang pressure at coercion ay nagreresulta sa konsesyon.

Nanawagan naman si Rep. Chel Diokno ng buong transparency sa anumang negosasyon, iginiit na karapatan ng publiko na malaman ang detalye ng mga kasunduan.

Binigyang-diin din ni Carpio na may legal na karapatan ang Pilipinas sa mga likas-yaman sa WPS, ngunit kulang umano ang political will upang aktwal na mapakinabangan ito, kumpara sa ibang bansa gaya ng Malaysia at Indonesia.

Nanawagan ang mga opisyal at eksperto na dapat piliin ng Pilipinas ang mga partner na gumagalang sa batas ng bansa at internasyonal na karapatan, at hindi maglalagay sa alanganin ang soberanya ng Pilipinas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here