PINABORAN ng Metropolitan Manila Development Authority ang konsepto ng carpooling, basta’t hindi ito mauuwi sa iligal na operasyon o makaaapekto sa umiiral na public transport system. Sa unang tingin, malinaw ang layunin ng MMDA na bawasan ang trapiko at magbigay ng alternatibong sakay sa commuters. Ngunit kasabay nito ang planong pag-isyu ng “special permit” para sa mga sasali sa carpooling, na agad nagdulot ng kalituhan sa publiko.
Matagal nang itinutulak ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang carpooling bilang praktikal at agarang solusyon sa pagsisikip ng kalsada. Sa ilalim ng maayos na polisiya, kaya nitong pagsamahin ang pagtitipid sa gastos, oras, at enerhiya, habang nakatutulong sa pagbawas ng bilang ng sasakyan sa lansangan.
Sa aktwal na sitwasyon, umiiral na ang carpooling kahit walang regulasyon. Isang empleyado na may sasakyan ang nagsasabay ng mga kaopisina, may ambagan sa gasolina, at sabay-sabay na nakararating sa trabaho nang mas mabilis at mas komportable. Hindi ito negosyo kundi simpleng kasunduan. Ngunit sa planong polisiya, kinakailangan pa bang kumuha ng permit para dito? Kapag hindi kumuha, maituturing na ba silang colorum?
Mayroon ding mga motorista na kusang nag-aalok ng libreng sakay sa mga pasahero sa kanilang dinaraanan. Isang malinaw na halimbawa ito ng malasakit at bayanihan. Ngunit kung sila ay gumagamit ng pribadong sasakyan, saklaw din ba sila ng permit requirement? Kung oo, hindi ba’t tila pinipigil ang kusang pagtulong ng mamamayan sa kanyang kapwa?
Mas mabigat ang tanong sa implementasyon. Makasisiguro ba ang publiko na iisa ang interpretasyon ng mga traffic enforcer sa polisiya? O baka mauwi lamang ito sa panghuhuli, multa, at impounding dahil sa kakulangan ng malinaw na alituntunin?
Kung ang layunin ay kaayusan, hindi dapat ito magdulot ng takot at pangamba. Kung ang hangarin ay solusyon, hindi dapat ito maging dagdag problema.
Ang carpooling ay higit pa sa simpleng pagsabay sa biyahe. Isa itong makabagong anyo ng bayanihan sa gitna ng krisis sa transportasyon. Anomang regulasyon ang ilabas, nararapat na ito’y malinaw, makatarungan, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng nakararami at hindi sa paglikha ng panibagong pasanin sa lansangan.






