Home NATIONWIDE Cassandra Ong absent sa Senate hearing, naospital

Cassandra Ong absent sa Senate hearing, naospital

MANILA, Philippines – Hindi nakadalo sa pagdinig ng Senate Justice panel si Cassandra Li Ong, isa sa key personalities sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa POGO, nitong Huwebes, Setyembre 5 dahil sa health issues.

“Ms. Ong is currently unwell and cannot attend the aforesaid public hearing… According to our own doctor, Ms. Ong may need to be confined in the hospital and may require 2 to 3 days to stabilize her health conditions,” saad sa liham ng Kamara sa Senado.

Iniimbestigahan ng Senate panel ang pagtakas sa Pilipinas ni dating Bamban Mayor Alice Guo at mga kasamahan nito, kung saan kasama rin umano si Ong.

Nasa kustodiya ng Kamara si Ong matapos ang deportation nito mula Indonesia, kung saan siya naaresto kasama ang kapatid ni Alice na si Shiela.

Nitong Miyerkules ng gabi, ipinagpaalam muna si Ong sa nagpapatuloy na House Quad Committee hearing dahil sa mababang blood sugar at blood pressure.

Si Ong ang sinasabing representative ng Lucky South 99, isang POGO hub sa Porac, Pampanga na nilusob ng mga awtoridad dahil sa mga umano’y illegal na aktibidad kabilang ang torture activities.

Inamin naman ni Ong na siya ang authorized representative ng Lucky South 99, ngunit itinangging may kinalaman siya sa illegal POGO operations.

Nahaharap si Ong, Alice Guo, at 34 iba pa sa reklamong money laundering charges sa Department of Justice sa kanilang kaugnayan sa illegal POGOs. RNT/JGC