Home OPINION CATAPANG SERYOSO SA MALAWAKANG PAGREPORMA NG BUCOR

CATAPANG SERYOSO SA MALAWAKANG PAGREPORMA NG BUCOR

MUKHANG seryoso talaga si Bureau of Corrections  Director General Gregorio Pio Catapang na mareporma to the max, hindi lang ang persons deprived of liberty at kanyang mga opisyal at tauhan, kundi maging ang mga bilangguan sa buong bansa na nasa ilalim ng kanyang pamumuno.

Noon kasing unang linggo ng buwan ng Agost, 2023,  inanunsyo  ni Catapang ang pagkuha ng bagong correction officers ng kawanihan at pagsibak sa mga bugok na tauhan bilang bahagi ng kanyang hakbang na tuluyang tuldukan ang katiwalian sa hanay at maireporma ang mga tauhan nito.

Pero tiniyak naman ni Catapang na bibigyan ng promosyon ang mga nagpapakita ng kahusayan at katapatan upang magsilbing magandang halimbawa sa iba pang tauhan.

Hindi natatapos ang ginagawang reporma ni Catapang dahil hinikayat din niya ang mga namumuno sa mga bilanggugang nasa ilalim ng BuCor, lalo na ang Penal Farms, na pumasok sa pakikipagnegosasyon sa malalaking pribadong kompanya upang masustinihan ang kanilang hangaring maging matagumpay ang programang “Bagong Bucor sa Bagong Pilipinas”.

Inihalimbawa ni Catapang ang ginawa ng Davao Prison and Penal Farm sa pakikipagtransaksyon sa Tagum Agricultural Development Company, Incorporated na isang malaking kompanyang nagpapadala ng produktong saging, hindi lamang sa  Asya subalit maging sa sa Middle East, Russia at New Zealand.

Pinaupahan kasi ng DPPF sa TADECO ang 5,000, mula sa mahigit waalong libong ektarya nilang lupain, para taniman ng mga saging kaya kuimikita na ang naturang Penal Farm ng halos P22 milyon bawat buwan bukod pa sa nabigyan ng trabaho ang PDLs na silang nagpapake ng pang-export na saging.

Kaugnay naman sa food security ng pamahalaan, pinaupahan naman ng Iwahig Prison and Penal Farm ang 500 sa mahigit 28 libong ektarya nilang lupain sa Palawan para magamit sa Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security program,  ng pamahalaan para makatulong sa seguridad ng supply ng pagkain.

Kung matutuloy naman ang kasalukuyang negosasyon ng San Ramon Prison and Penal Farm  sa Zamboanga City sa pagpapaupa ng 15-ektarya ng lupain mula sa kabuuang mahigit 664 na ektarya para sa proyektong solar at 60 ektarya para maging sentro ng ekonomiya para sa mga dayuhang mamumuhunan, tiyak na malaki ang maiaakyat nitong salapi sa kawanihan.

Ang problema na nga lang ni Catapang ay kailangang mapalagyan ng titulo ang lupaing pag-aari ng BuCor upang may ligal na dokumentong pinanghahawakan ang kawanihan sa kanilang pagpasok sa pakikipagnegosasyon sa malalaking kompanya.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.