Home OPINION CATHOLIC VOTE VS PISO VOTE SA HALALANG 2025?

CATHOLIC VOTE VS PISO VOTE SA HALALANG 2025?

HINAHASA para maging matalim hindi lang sa pag-unawa sa kasaysayan ng 1986 EDSA People Power at malakas na pwersa sa halalang Mayo 12, 2025 ang libo-libong kabataang mag-aaral sa maraming Catholic school sa Pilipinas.

Nakikita ito sa pagsasara ng kanilang mga eskwela sa Pebrero 25, 2025 na ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power at paghikayat sa mga mag-aaral na lumahok sa mga pagtitipon na nagpatalsik noon kay ex-President Ferdinand Marcos Sr. na ama ni President Bongbong Marcos.

Kabilang sa mga kampanya nila ang laban sa pagpapababa sa halaga ng 1986 People Power ni Pang. Bongbong sa pagturing nito ngayong anibersaryo na isang Special Working Holiday sa halip na Special Day dahil sa halaga nang pagpapakita ng kapangyarihan ng mga mamamayan laban kahit sa diktadurya at mga korap.

Binabatikos nila si PBBM sa pagtatakip umano nito sa katotohanang naging pugad ng mga korap at abusado sa kapangyarihan ang Malakanyang noong nanunungkulan ang kanyang tatay na si Manong Ferdie at ayaw nilang maulit ito.

Feeling ng iba, nagtatatag ang mga Catholic school ng masasabing Catholic vote sa halalang 2025.

Noong 2019 senatorial elections, nakita ang lakas ng Duterte vote nang wala ni isang kandidato mula sa Otso Diretso na sina Mar Roxas, Bam Aquino, Erin Tañada, Romulo Macalintal, Florin Hilbay, Chel Diokno, Samira Gutoc, Gary Alejandro na binak-apan ni noo’y Vice President Leni Robredo.

Nanalo naman sina Bong Go, Sonny Angara, Bong Revilla, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Imee Marcos, Koko Pimentel, Francis Tolentino, Cynthia Villar na binak-apan nina ex-Rodrigo Duterte at ngayo’y Vice President Sara Duterte.

Kaugnay nito, malinaw ding may Iglesia ni Cristo vote.

Nagpapanalo ang Iglesia ni Cristo vote tuwing halalan at naging mabisa naman ang Duterte vote.

Kung totoong binubuo ang Catholic vote sa halalang ito, makapagpapanalo o magiging mabisa rin kaya, partikular laban sa Marcos at Duterte candidates?

O baka naman PISO vote ang magwawagi?!