
“MATINDI” ang nangyayaring “gulo” ngayon sa Amerika dahil sa patuloy na paghahanap ng administrasyon ni President Donald Trump ng ‘waste’ ‘abuse’ at ‘fraud’ (WAF) sa pondo ng ‘federal government.’ Translation? Hinahanap ng kanyang administrasyon ang “tagas” sa pondo ng gobyerno dahil sa korapsyon.
At siyempre, ang “aligaga” sa “misyon” na ito ay ang bilyonaryong si Elon Musk at ang bagong tatag na ‘DOGE’ (Department Of Government Efficiency).
At isa sa mga eskandalong nahukay ng DOGE ay ang kagulat-gulat na pagsasamantala sa pensyon (social security benefits) ng mga Amerikano.
Kung marami nang Kano ang nagalit sa nabisto ng DOGE na kahit pala ‘illegal migrants’ ay nabibigyan ng ‘social security number’ at nagtatamasa ng benepisyo at ayuda na para lang sa mga retirado at pensyonadong mga Kano, may “mas matindi” pa pala dito!
Aber, maniniwala ba kayo na sa Amerika pala, meron pang “nabubuhay” na edad higit 200 taon at 300 taon? At patuloy siyempreng nakatatanggap ng pensyon!
At nangyari pala sa Amerika na may higit 70 milyon katao ang tumatanggap ng pensyon kahit sanggol pa lang hanggang edad 10! Samantala, higit 17 milyon naman ang pensyonado sa pagitan ng 90-anyos hanggang 179-anyos!
Malinaw, siyempre, na kalokohan ang ang nasabing bilang at edad na nabibigyan ng pensyon at ayuda sa Amerika na “nagpadurugo” ng bilyon-bilyong dolyar kada taon, dahilan upang aminin ni Pres. Trump na “korap” ang gobyerno ng Amerika.
Marahil, hindi masama para sa sarili nating pensyon sa Social Security System at Government Service Insurance System, sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at pati na sa PhilHealth, kung gumawa ng katulad na hakbang si PBBM para sa isang ‘special and independent audit.’
Ano sa tingin ninyo, dear readers?