MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Alan Peter Cayetano na umano’y hindi inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang magbigay ng ₱10,000 ayuda sa mga Pilipinong patuloy na bumabangon mula sa pandemya matapos itong manalo sa halalan noong 2022.
Ayon kay Cayetano, kaya umano ng badyet ng pamahalaan ang naturang ayuda dahil umaabot sa ₱200 bilyon hanggang ₱400 bilyon ang inilalaan sa mga assistance program bawat taon.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng pag-anunsyo ng Pangulo ng pinalawak na UPLIFT program. Sa ilalim nito, 3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program ang makatatanggap ng isang beses na ₱2,000 ayuda.
Samantala, 2.5 milyong mahihirap at near-poor na pamilya at 1.5 milyong kwalipikadong miyembro ng SSS ang tatanggap ng ₱2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan o kabuuang ₱12,000.
Sinabi rin ni Cayetano na kung kaya ngayong magbigay ng hanggang ₱12,000 ayuda, bakit umano hindi ito ginawa noon. Wala pang tugon ang Malacañang sa kanyang pahayag.
Ayon naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sisimulan ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng pinalawak na UPLIFT program sa Lunes. RNT/MDS