MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Sabado sa mga kapwa Kristiyano na pangunahan ang pagbabago ng bansa sa pamamagitan ng tunay na repentance o pagsisisi.
Sa harap ng mahigit 300 Kristiyano sa “Prayer for the Nation” noong July 25, 2026, sinabi ni Cayetano na hindi dapat iasa sa pulitika ang kinabukasan ng bansa.
Punto nya, dapat magsimula ang pagbabago sa sarili at sa kapulungan ng mga mananampalataya bago humingi ang mga mananampalataya ng reporma sa lipunan at gobyerno.
“We’re here today talking about the Biblical hope because sa Monday we will hear the SONA. We’re praying for leaders, praying for our country, praying for our future. Pero hindi pwedeng y’ung hope natin nasa tao. Hindi pwedeng y’ung hope natin nasa pulitika o proseso,” aniya.
Inaasahang ilalahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa SONA ang mga nagawa ng administrasyon at ang kanyang tugon sa iba’t ibang suliranin ng bansa.
Para kay Cayetano, dapat pagtuunan ng mga Kristiyano ang kaya nilang gawin kahit sino pa ang nakaupo sa gobyerno.
“Between now and 2028 or 2028 to 2034, ano ba ang gagawin natin as God’s people para magkaroon ng pagbabago?” aniya.
Mensahe ni Cayetano, nagsisimula ang pagbabago ng bansa sa pagbabago ng bawat indibidwal. Aniya, kailangan munang matutong pamahalaan ng isang mananampalataya ang kaniyang sarili bago pamahalaan ang pamilya, komunidad, o bansa.
“The first part ng pagbabago sa ating bansa ay revival of the heart. We have to admit na patay tayo because of sin. But because God forgave us, because His Son came, pwedeng mabuhay tayo ulit,” paliwanag niya.
Binigyang diin niyang hindi uubra ang anumang reporma sa sistema o institusyon kung hindi magbabago ang puso ng mga tao.
“Kung lahat tayo patay ang puso, OK lang magnakaw, magsinungaling, mandaya sa exam, may hingian kapag nagbabayad ng tax. Walang pagbabago kahit baguhin mo yung sistema, kahit napakagaling ng leader,” he said.
Kasunod nito, dapat aniyang magkaisa ang mga Kristiyano na ipanumbalik ang mga kapulungan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang kanilang ipinapangaral.
“Hindi po masasabi ng Church sa gobyerno, ‘Itigil n’yo y’ung sugal,’ kung mismong mga nasa Church nagsusugal,” he said.
Kapag nagbago na ang mga mananampalataya at ang kapulungan ay magkakaroon na aniya ang mga ito ng “moral ascendancy” na magsulong ng mga reporma sa mga komunidad, paaralan, at institusyon sa gobyerno.
Para kay Cayetano, “repentance” o tunay na pagsisisi sa harap ng Diyos ang susi sa personal na pagbabago, pagpapanumbalik ng kapulungan, at reporma sa lipunan.
“Y’ung repentance po, hindi ka ‘sorry’ dahil nahuli ka. ‘Sorry’ ka dahil mali at may sorrow sa heart mo, sa soul mo na nagkasala ka sa Panginoon o sa kapwa tao,” paliwanag niya.
“If nakukulangan kayo sa pagbabago sa ating bansa, sa kahit anong level – sa church, sa ekonomiya, sa gobyerno, sa edukasyon, sa kalusugan – it’s because kulang po ang ating repentance. Kaya hindi nagkakaroon ng revival, kaya nabibitin y’ung restoration,” aniya.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga Kristiyano mula sa iba’t ibang denominasyon upang manalangin para sa pambansang pagbabagong nakaugat sa Biblical values. Ernie Reyes