
TILA sinasadya ng China ang pagpapadala ng kanilang malalaking barko sa karagatang sakop ng Pilipinas mula nang ipahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na aalisin lamang niya ang U.S. missile system sa bansa kung titigilan ng China ang pagiging agresibo at pagpupumilit na angkinin ang buong karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Matapos kasing maitaboy ng BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard noong nakaraang Sabado ang dambuhalang barko ng China Coast Guard na 3304 sa karagatang sakop ng Zambales, aba’y nagpadala naman sila ng mas malaki pang barko, ang 5901, na tinaguriang “monster ship”,
Siyempre, wala namang magagawa ang maliliit na barko natin kundi mag-radio challenge na lang at ipamukha sa Kapitan ng dambuhalang barko na naglalayag sila sa karagatan na malinaw na sakop ng Pilipinas.
Pero kahit ano pang paulit-ulit na pagtatalak ng PCG sa pamamagitan ng radio challenge ang barko ng CCG, dedma lang sila na tila papetik-petik lang sa ginagawang paglalayag sa karagatan na hindi naman nila nasasakupan.
Pero hindi diyan natatapos ang pananadya ng China dahil nito lamang araw ng Linggo, aba’y namataan naman, hindi lang isa, kundi dalawa pang barko ng CCG ang paikot-ikot na naglalayag sa karagatan na malapit lamang halos sa baybayin ng Pangasinan.
Oh di ba ang kakapal? Huwag nilang sabihin na sakop pa rin nila ang naturang karagatan kaya’t pinapasadahan at pinapasyalan nila ang mayamang dagat ng Pilipinas.
Sabi nga ng PCG, nasubaybayan nila sa pamamagitan ng kanilang programang “Dark Vessel Detection” ang mga barko na may numerong 3301 at 3104 ng CCG 34 na milya lamang mula sa baybayin ng Pangasinan.
Para makasiguro, nagpalipad ng eroplano ang PCG at dito nila nakumpirma ang paglalayag ng dalawang barko ng China, malapit lamang sa baybayin ng Pangasinan, kaya’t muli nilang tinawagan ang mga ito ng pansin sa pamamagitan ng pag-radyo upang ipabatid na nasa karagatan sila na sakop ng Pilipinas.
As usual, dedma na naman ang CCG, na malinaw na alam talaga nila na tumawid na sila sa karagatan na hindi naman nila nasasakupan at tila naghahamon na kulang na lang sigurong sabihin na “Eh ano ngayon? Me magagawa ba kayo?”
Una rito, parang inuutusan ng China ang Pilipinas na alisin ang missile system ng Estados Unidos sa bansa at may lakas ng loob pang sabihin na nag-aanyaya raw ito ng komprontasyon at kaguluhan.
Pero ang sagot dito ni Pangulong Marcos, hindi niya maunawaan kung bakit galaiting-galaiti ang China sa missile system ng United States na inilagay sa Pilipinas gayung hindi naman pinapakialaman ng bansa ang kanilang missile system na kung tutuusin ay napakalakas ng 1,000 times, kumpara sa nakalayag sa Pilipinas.
Hamon pa ni PBBM, handa niyang alisin at ibalik sa Estados Unidos ang missile system kung titigilan ng China ang pang-aagaw sa ating teritoryo at panggigipt, pananakot, pambobomba ng tubig, paggamit ng laser, hindi lamang sa mga tripulante ng PCG, kundi maging sa maliliit na mangingisdang Pinoy.
Alam naman natin na hindi tatalab sa China ang hamon ng Pangulong BBM pero kailangang mabatid nila na kahit ga-kulangot lamang ang puwersa ng ating bansa kung ikukumpara sa mas moderno pa yata nilang military equipment sa Estados Unidos, hindi basta-basta nila mapapanikluhod sa kanila ang ating Pangulo.