
BATAY sa datos ng National Council of Disability Affairs, mayroong nakatalang 1.5 milyon persons with disability (PWDs) na mga Filipino na nasa bansa.
Bilang pagbibigay-halaga ng Estado sa sektor ng PWDs ay pinagkalooban ito ng mga pribileheyo na maaari lamang magamit ng mga taong nagtataglay ng balidong PWD ID.
Mainit na usapin ngayon ang pagdami ng mga pekeng PWD na isang matinding anyo ng pandaraya na nagpapahirap sa mga tunay na may kapansanan. Sa halip na makatulong sa sektor na nangangailangan, ang mga pekeng PWD ay nagiging pabigat sa sistema at nagpapalubha sa suliraning panlipunan.
Ang mga may pekeng PWD ID ay nakikinabang sa mga pribilehiyong tulad ng diskwento sa pamasahe, gamot, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin, mga benepisyong nilaan para sa mga tunay na nangangailangan. Sa ganitong gawain, nawawalan ng sapat na tulong ang mga lehitimong PWD na totoong may kapansanan at nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
Maraming may ari ng restaurant at botika ang nagrereklamo kung bakit napakaraming taong mayroon Person with Disability (PWD) ID) na kinakailangang nila bigyan ng 20 diskwento at net vat. Malaking lugi para sa negosyante at sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Dahil sa paglaganap ng pekeng PWD ID, maraming negosyo at establisimyento ay nagiging mas mahigpit sa pagbibigay ng diskwento. May ilang nagiging mapagduda at nag-aalinlangan kung tunay ba ang isang PWD, kaya’t minsan ay hindi agad naibibigay ang kanilang nararapat na benepisyo. Bukod dito, ang limitadong pondo ng pamahalaan ay naaapektuhan dahil napupunta ito sa mga hindi tunay na benepisyaryo.
Ang PWD ID, na dapat ay isang simbolo ng proteksyon at suporta, ay tila nagiging kasangkapan ng panloloko para sa mga mapagsamantala. Ang kawalan ng mahigpit na beripikasyon sa pag-isyu ng ID ay nagbubukas ng pinto sa pang-aabuso.
Sa isang bansang may maraming nangangailangan, hindi dapat pinapayagan ang pagsasamantala sa sistemang dapat sana’y tumutulong sa mga tunay na PWD. Ang pekeng PWD ID ay hindi lamang isang simpleng pandaraya, ito ay isang anyo ng kawalang-puso sa mga totoong nangangailangan.