Home METRO Chinese nat’l arestado sa illegal medical practice

Chinese nat’l arestado sa illegal medical practice

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes na naaresto ng mga operatiba nito ang isang lalaking Chinese sa isang entrapment operation sa Pasay City dahil sa umano’y illegal practice ng medisina.

Ayon sa NBI, nalambat siya ng mga operatiba ng Metro Manila regional office noong Disyembre 3 dahil sa pag-aalok ng medical services sa iba pang mga Chinese sa kabila ng kawalan ng permit to operate.

Inihayag ng NBI na hindi rin siya lisensyadong doktor, nurse, o medical technologist.

Nakakuha ang bureau ng certificate mula sa Department of Health (DOH) na nagpapakitang ang kanyang klinika ay hindi lisensyado upang magsagawa ng operasyon, at walang nakabinbing aplikasyon para sa lisensya.

Kalaunan ay natuklasan ng undercover agents na sarado na ang kanyang clinic sa Pasay. Sa kabila nito, napag-alamang nag-aalok pa rin siya at kanyang mga kasabwat ng serbisyo sa pamamagitan ng isang messaging application.

Kasunod ng pagkakaaresto sa suspek, narekober ng mga awtoridad ang kanyang pasaporte at driver’s license, maging Chinese medicines at medical equipment.

Iprinisinta siya sa Pasay prosecutors para sa inquest sa paglabag sa Medical Act of 1959 at sa Cybercrime Prevention Act of 2012. RNT/SA