MANILA, Philippines- Nainspeksyon na ng Philippine National Police at naberipika ang halos 300 sa mahigit 2,200 licensed gun owners hanggang nitong Disyembre 5, ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo.
Saklaw nito ang Type 5 gun owners o ang mga pinapayagang magmay-ari ng mahigit 15 piraso ng baril.
“As of December 5, nasa 13.04% pa lang po ang completion ng ginagawa nating inspection and accounting. Out of the 291 na nainspect out of the 2,200+ na baril, 34 po doon ay nafind out natin na narevoke na ang lisensya at expired ang 734, declared lost po ay nasa 75,” pahayag ni Fajardo sa Camp Crame sa Quezon City.
Nagsasagawa ang PNP Civil Security Group (CSG), sa pamamagitan ng Regional Civil Security Units (RCSU) nito, ng physical accounting ng mga baril ng licensed gun owners.
“Bago sila pumunta po, [bukod] po doon sa public notice na pinost sa social media accounts and official pages [ng PNP], nagpadala po sila ng mga sulat doon sa holders ng Type 5 license. After nun, doon po sila actual na bumisita sa mga bahay,” ayon kay Fajardo.
Aniya pa, “One of the challenges is di nila natitiyempuhan sa bahay dahil majority ay working. Kaya nag-iiwan na lang sila ng numero na pwedeng matawagan para mabalikan po nila.”
Nagbabala si Fajardo na maaaring maharap ang gun owners sa administrative sanctions sakalaing mapatunayang lumabag sila sa firearms regulations.
“So far, maganda naman ang response ng mga individual na nainspect na po ng RCSU,” giit ni Fajardo.
Matapos ang inspeksyon ng mga baril ng gun owners sa ilalim ng Type 5 classification, susunod naman ang Type 4, Type 3, Type 2 at Type 1 gun owners.
Bahagi ang inspeksyon at accounting ng licensed gun owners at firearms ng security measures ng PNP para sa darating na midterm elections sa Mayo sa susunod na taon. RNT/SA