Home OPINION COL. MONATO, LT. COLS. ZALDIVAR, OBMERGA

COL. MONATO, LT. COLS. ZALDIVAR, OBMERGA

SINASALUDUHAN natin ang mga pulis sa pagiging aktibo laban sa mga krimen.

Nauugnay ito, mga Bro, sa pagkakalutas, kahit bahagya lamang sa pagpatay sa kay Juan Jumalon alyas DJ Johnny Walker sa mismong kanyang bahay sa Calamba, Misamis Occidental noong Nobyembre 5, 2023 habang nagbo-broadcast para sa 94.7 Gold FM community radio station.

Bahagyang nalutas din ang kalunos-lunos na pagpatay sa mag-inang galing sa Japan na sina Lorry Litada at Mai Motegi sa Tayabas, Quezon noong Pebrero 21, 2024.

Gayundin na bahagyang nalutas ang pagkakapaslang kay Jayson Raymond Bacani kamakailan lang sa San Pablo City, Laguna.

PD COL. DWIGHT MONATO

Halos limang buwan na rin ang nakalipas nang mapaslang si Jumalon ngunit hindi tinulugan nina Misamis Occidental police director Col. Dwight Monato ang kaso.

Nahuli ng mga pulis ni Montano mula sa Calamba at Sapang Dalaga Municipal Police Stations ang mga suspek na sina Boboy Bongcawel alias Boboy and Renante Bongcawel alias Inteng at tanging ang gunman na si Julito Mangumpit alias Ricky ang nakalalaya.

Sinasaluduhan natin sina Col. Monato, mga pulis ng Calamba at Sapang Dalaga at si Executive Judge Michael Lotao Ajoc, ng Calamba Regional Trial Court Branch 36 sa mabilis na pag-iisyu ng warrant of arrest laban sa tatlong suspek.

Siyempre pa, isang tapik din sa balikat ang iginagawad natin sa hindi paghinto sa follow-up sa kaso ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinamumunuan ni Undersecretary Paul Gutierrez.

PLT. COL. WIL ZALDIVAR

Agad namang nalutas ang kaso sa pagpatay kay Jayson Raymond Bacani sa San Pablo City nitong mga nagdaang araw lamang.

Nakaresponde kaagad ang mga pulis ni PLt. Col. Wil Zaldivar sa krimen makaraan ang krimen na isinagawa ng riding-in-tandem laban kay Bacani sa harapan ng opisina ng abogado nito.

Hinabol ng mga pulis-San Pablo City ang mga suspek na sina Rodrigo Manalo, ang gunman, at Christopher Esteban na nagmaneho sa motorsiklo.

Bumulagta si Manalo sa kalsada habang naaresto si Esteban makaraang maitakbo ang sarili nito sa ospital.

Tiyak na pupukpukin nina Zladivar ang kaso hangga’t hindi lilitaw ang utak ng krimen.

Isa umano sa mga posibleng motibo sa krimen ang pagsasampa ng kasong adultery ni Bacani sa kanyang asawa.

Saludo sa San Pablo City police sa aktibong pagroronda at police presence para mabawasan ang mga kriminal.

PLT.COL. BONNA OBMERGA

Magagaling din ang mga pulis sa Tayabas City, Quezon sa pagkakalutas sa pagpatay sa mag-inang sina Lorry Litada at Mai Motegi, Japanese national at kapwa residente sa Antipolo City.

Pinatay ang mag-ina saka ibinaon sa lupa na pag-aari ng kapatid ni Litada na si Ligaya Olivia Pajulas at mister nitong si Charlie Pajulas sa Bella Vita Subdivision, Brgy. Isabang, Tayabas City.

Sa imbestigasyon nina P/Lt. Col. Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas City police, dumating ang mag-ina kina Pajulas at may dalang nasa P5 milyong bilang pambayad sa nabili nilang house and lot sa San Narciso, Quezon ngunit iniulat nina Pajulas na nawawala ang mag-ina simula noong Pebrero 21, 2024.

Ngunit makaraan nito, umalis ang mag-asawang Pajulas at kalaunan, nagkabalitaang nagtangkang magpakamatay si Ligaya ngunit naitakbo sa ospital nang mahukay na ng mga pulis ang mga bangkay ng mag-ina.

Dito na nalaman ng mga pulis ang buong pangyayari sa pag-amin ni Ligaya na silang mag-asawa at dalawang iba pa ang gumawa ng krimen.

Paghampas ng tubo at pananaksak ang ikinamatay ng mag-ina.

Saludo sa inyo, P/D COL. DWIGHT MONATO, PLT. COL. WIL ZALDIVAR, PLT.COL. BONNA OBMERGA at mga pulis ninyo.