Home OPINION MARIHUWANA SA VAPE, E-CIGARS KALUSIN

MARIHUWANA SA VAPE, E-CIGARS KALUSIN

DAPAT rendahan nang husto ang paggamit ng vape o e-cigarettes.

Napasok na ang Pilipinas ng marihuwana oil at ikinakarga na ito sa mga langis na laman ng mga vape at ipinapalaman na rin sa e-cigarettes.

Napatunayan ito sa nakumpiskang malaking bulto ng marihuwana oil at marihuwana mismo sa Taguig City nitong Marso ng Philippine Drug Enforcement Agency, kasama ang mga vape o e-cigarettes.

May nakumpiska ring 18 karton na marihuwana oil at marihuwana sa loob ng mga vape o e-cigarettes na nagkakahalaga ng P330 milyon sa Port Area, Manila nitong nakaraang linggo.

Sa ngayon, ligal ang bentahan ng vape o e-cigarette at bawal lamang ang pagtitinda nito sa mga menor-de-edad at malapit sa mga eskwela, playground at iba pa.

Kung tutuusin, mahihina ang mga inilalatag na patakaran, lalo na sa harap ng pagkakaroon na ng marihuwana oil para sa vape at marihuwana sa e-cigarettes.

Ang dapat gawin ng mga awtoridad, palagiang inspeksyunin nang sorpresa ang mga tindahan ng vape at e-cigarettes para malaman kung nagtitinda ang mga ito ng mga kargado ng marihuwan oil at marihuwana.

Pwedeng lantaran ang inspeksyon o gamitan ng mga sikretong pamamaraan para sa epektibong operasyon.

Alalahaning ipinagbabawal at iligal ang marihuwana o anomang produkto mula rito dahil talaga namang nakasasama sa kalusugan.

Sa Thailand nga, makaraan lang ang maigsing panahon na ginawang ligal ang marihuwana, bumabalik na sila sa puntong bawal na ito bilang bisyong libangan at paggamit ng marihuwana nang lantaran.

Nais na nilang gawing panggamot lamang ang marihuwana at hindi panglibangan dahil ngayon pa lang, napatutunayan nilang nasisira ang buhay ng mga kabataang nagiging adik sa marihuwana.

Bago pa maging malaganap at hindi na makontrol ang pagpapalaganap ng marihuwana sa vape at e-cigarettes, magtulong-tulong na ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan at mamamayan na labanan ito.

Anong malay natin na may halo na ring shabu ang mga palaman ng vape at e-cigarettes ngayon.

Kilos na lahat!

Previous articlePALIGOY-LIGOY
Next articleCOL. MONATO, LT. COLS. ZALDIVAR, OBMERGA