Home OPINION PALIGOY-LIGOY

PALIGOY-LIGOY

HABANG isinusulat ko itong kolum ay wala pang kalinawan kung maglalabas nga ang Senado ng ‘Arrest Warrant’  laban kay Kingdom of Jesus Christ leader at self-appointed “Son of God” na si Pastor Apollo C. Quiboloy.  Bagaman nakahabol ang tugon ng kanyang kampo sa Show-Cause Order na inilabas ng Senate Committee on Women, Children, Family and Gender Equality sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros.

Hindi nga naman magandang tingnan na parang pinupwersa ng isang ahensya ng gobyerno ang isang pastor na dumalo sa mga pandinig, pero suportado ko ang direksyon na tinatahak ni Sen. Risa.   Napaka-seryoso ng mga akusasyon na ibinato hindi lamang sa Samahan ng KOJC, pero sa personal na katauhan mismo ni PACQ.

Ang “child abuse” at “human trafficking” ay mga karumal-dumal na krimen.   Doon sa dati naming public service program na “Isumbong Mo Kay Tulfo”, simple ang paraan namin at ng mga kasamang awtoridad sa pag-iimbestiga.   Malimit na teorya o kaisipan na tinitingnan namin ay – “bakit magrereklamo ng ganito ang isang bata o babae?”  Ano ba mapapala nila sa pagbubunyag ng ganitong krimen?  Bukod kasi sa posibleng malaking kahihiyan na haharapin nila, maliwanag din na dehado sa kasuhan ang mga biktima, kasi nga nasa kapangyarihan o kaya ay mas makapangyarihan ang may-sala.

Diskumpyado din ako sa argyumento ng mga abogado ni Pastor Quiboloy na mistula na raw hinusgahan ang kliyente nila kapag pinayagan magpatuloy ang imbestigasyon ng Senado.   Mistula pa raw na inaagawan ng Senado ang mga hukuman sa Pilipinas ng kanilang takdang tungkulin.   Isip ko lang, para naman wasiwas lang ng malilikot na kaisipan ang mga ito.

Kung ayaw talaga, maraming dahilan.Pero kung gusto, maraming paraan.   Pero bakit nga ba ayaw humarap at dumalo sa imbestigasyon?  Eh kung gamitin kaya natin ang parating sinasabi noon ng mga pulis ng panahon ng drug war.  Anila, “kung walang kasalanan, hindi dapat matakot”, bagkus dapat magsalita.

At iyon na nga.   Harapin na nga dapat ang imbestigasyon.   Wala ng paligoy-ligoy pa.

Previous articleEASE OF DOING BUSINESS LAW, EPEKTIBO BA?
Next articleMARIHUWANA SA VAPE, E-CIGARS KALUSIN