Home OPINION EASE OF DOING BUSINESS LAW, EPEKTIBO BA?

EASE OF DOING BUSINESS LAW, EPEKTIBO BA?

IPINAGYAYABANG ng gobyerno ang pagsasabatas ng Republic Act 11032 o ang East of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 dahil pinagagagaan at pinabibilis nito ang takbo ng kalakaran sa transaksyon sa pamahalaan.

Kasi nga raw, ang batas na ito ay nag-aatas sa lahat ng mga tanggapan at ahensya ng gobyerno kabilang ang mga Local Government Unit, mga government owned and control corporation at iba pang ahensiya ay instrumentalidad ng gobyerno,  nasa Pilipinas man o sa ibang bansa, na magbigay ng mga serbisyong sumasaklaw sa mga transaksyong may kinalaman sa negosyo at iba pa.

Pero sa karanasan ng Pakurot kamakailan lang ay hindi naman masyadong epektibo ang kalakaran na ito sa pamahalaan.  Isang halimbawa ay ang pagkuha ng quarantine permit online para sa paghahatid ng bangkay ng tao sa kanyang pinagmulan gamit ang sasakyang panghimpapawid o pandagat kaya’t nangangailangan ng quarantine certificate.

Noong hindi pa online ang pagkuha nito, inaabot lang ng 20 hanggang 30 minutos ang pagkuha sa tanggapan nito mismo.  Pero nang gawing online, aba’y tatlong oras na ay hindi pa matapos-tapos ang pagkuha dahil ang pagbabayad ay online din gamit ang Gcash na hindi naman maipasok-pasok ang bayad sa napakaraming dahilang ibinibigay ng kanilang gamit na instrumento sa bayaran.

Talo at ubos na kaagad ang oras dahil sa gigil at hindi mo naman makausap agad-agad ang mga empleyadong dapat ay kumakausap sa iyo dahil abala rin ang mga ito sa harap ng kanilang computer o mobile phone dahil sa transaksyong hinaharap pero syempre kasama na ang kanilang pagpindot at paggamit ng Facebook o di naman kaya ay paglalaro.

Eh nasaan ngayon ang sinasabing ease of doing business? Mas lalo yatang humirap at hindi mo kaagad matapos ang trabaho na dapat sana ay magtatagal lang ng ilang minuto kung face to face ang approach.

Ang isa pang karanasan ng inyong lingkod ay nang magtungo sa Bureau of Immigration na bagaman maraming tao at maraming transaksyon ay mabilis lang naman ang proseso dahil sa dami ng kanilang mga kawani na nag-aasikaso sa kanilang mga kliyente.

Madaling lumapit sa mga tauhan nitong nakapwesto sa kani-kanilang window o booth at may mga nagkalat pang empleyado na mabilis umalalay sa mga nagtutungo sa nasabing tanggapan.

May konti lang puna sa nakapwesto sa cash window o window 27 na may initials na A.B. Kasi nang tanungin kung ano para saan ang isa sa binayaran ng kanilang kliyente, sa halip na sumagot ng maayos ay pabalang na sinabi nito na “Sa window 32 mo itanong. Hindi ko alam yan!”  Kuya, pwede n’yo pong sagutin nang maayos ang tanong dahil hindi naman basta cashier ka lang dyan. Hindi ka naman malalagay dyan kung hindi mo rin alam kung ano ang mga sinisingil sa inyong mga kliyente.

At sana, maging maayos kayo sa pagtrato nyo sa mga nagtutungo dyan. Bukod tanging ikaw “Kuya A.B” ang pabalagbag kung sumagot sa nasa hilera ng windows d’yan sa BI.

Previous articleLAHAT ‘NAKAMATA’, MAY ‘NILULUTO’ KAYA?
Next articlePALIGOY-LIGOY