MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang writ of mandamus ay hindi maaring gamitin para pilitin ang Commission on Elections (COMELEC) na magpasya sa isang partikular na paraan, tulad ng pagbibigay-daan o pagtanggi sa hiling na buksan ang mga ballot box at muling bilangin ang mga boto.
Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Jose Midas P. Marquez, tinanggihan ng En Banc ng Korte ang Petition for Mandamus na inihain ni Eliseo Mijares Rio Jr. at iba pang mga petitioner.
Ang kaso ay nag-ugat sa petisyon na inihain nina Rio Jr. at iba pa na hiniling sa COMELEC En Banc na suriin ang kwalipikasyon ng Smartmatic Philippines, Inc. dahil diumano sa mga iregularidad sa paghatid at pagtanggap ng mga resulta sa halalan noong Mayo 9, 2022.
Paliwanag ng Korte, ang Mandamus ay isang pambihirang writ na nag-uudyok sa isang tribunal, tulad ng COMELEC, na magsagawa ng legal na kinakailangan na aksyon kung ito ay nabigo o tumangging gawin ito. Ang pagkilos na ito ay dapat na ministerial, ibig sabihin, ang pagganap nito ay hindi kailangan ng paggamit ng pagpapasya o judgement.
Dagdag pa ng Korte, mapagbibigyan lamang ang mandamus petition kapag malinaw at kumpleto ang legal na karapatan ng petitioner sa pagsasagawa ng hinihiling na pagkilos.
Sabi pa ng Korte Suprema, hindi ministerial act ng COMELEC ang hiling ng mga petitioner dahil ang muling pagbibilang ng mga pisikal na balota ay nangangailangan ng paggamit ng pagpapasya at paghatol ng COMELEC.
Bigo rin ang mga petitioner na magpakita ng anumang malinaw, kumpleto, at partikular na legal na karapatan sa recount.
Wala ring batas na nagmamando ng muling pagbilang ng mga pisikal na balota sa 2022 National at Local na halalan.
Ngunit ayon din sa Korte, guilty ang COMELEC sa official inaction dahil matagal nitong dinesisyunan ang mga mosyon, lampas sa panahong itinakda ng sarili nitong mga patakaran. Teresa Tavares