Home NATIONWIDE Comelec hinimok ni Pimentel, diskwalipikasyon ni Teodoro aksyunan

Comelec hinimok ni Pimentel, diskwalipikasyon ni Teodoro aksyunan

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Commission on Elections (Comelec) na agarang resolbahin ang kanselasyon ng Certificate of Candidacy ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro para sa pagkandidato sa 1st District ng lungsod.

Si Pimentel ay tumatakbo rin sa kaparehong distrito sa Marikina sa paparating na halalan.

Sa kanyang urgent motion na inihain noong Marso 26, 2025, iginiit ni Pimentel na naglabas na ng ruling ang Comelec First Division pabor sa mga petitioner noong DIsyembre 11, 2024 na nag-uutos ng kanselasyon ng COC ni Teodoro.

“More than three months after the First Division’s ruling, the Comelec En Banc has yet to issue a final resolution,” saad sa mosyon.

Sa Section 7, Rule 18 ng 1993 Comelec Rules of Procedure, na nag-oobliga na ang motions for reconsideration sa mga ispesyal na kaso ay dapat maresolba sa loob ng 15 araw, iginiit ni Pimentel na lampas na sa panahong ito ang Comelec.

“Napakalinaw ng desisyon ng First Division na kanselado ang COC ni Mayor Teodoro. Pero mahigit tatlong buwan na, bakit hindi pa rin ito naisasara? Comelec, kailangan ng mabilis at malinaw na aksyon,” pahayag ni Pimentel nitong Biyernes, Marso 28.

Nasa 25 pahinang desisyon noong Disyembre nang kanselahin umano ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang COC ni Teodoro.

Sa ruling ng First Division, bigo umanong matugunan ni Teodoro ang pangangailangan ng isang taong residency requirement para sa congressional district na nais niyang irepresenta sa Kamara.

Ito ay makaraang maghain si Teodoro ng COC noong Oktubre 5, 2024, na nagdedeklarang siya ay residente ng 1st District ng Marikina sa loob ng isang taon at isang buwan.

Sa kabila nito, sa ipinresentang ebidensya nina Pimentel at Angelu Estanislao ay nakita na si Teodoro ay naninirahan sa Barangay Tumana na bahagi ng ikalawang distrito ng lungsod.

Dahil dito ay nagbigay ng konklusyon ang Comelec na si Teodoro ay nakagawa ng
“material misrepresentation,” na sinabi ng First Division na ito ay “cannot countenance.”

Sa oras na panindigan ng Comelec ang naunang ruling ay opisyal nang madidiskwalipika si Teodoro sa pagtakbo sa Kongreso.

Kamakailan ay pinatawan din si Teodoro ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman dahil sa alegasyon sangkot ang kwestyonableng paggamit ng P130 milyon na pondo ng PhilHealth. RNT/JGC