Manila, Philippines — Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na hindi magiging madali ang kapalaran ng Duterte Youth Party-list sa kabila ng pagkapanalo nito sa 2025 midterm elections, bunsod ng patuloy na nakabinbing kaso laban dito.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia sa pahayag noong Mayo 23, bagama’t ibinasura na ng komisyon ang disqualification case laban sa Bagong Henerasyon (BH) Party-list, nananatiling suspendido ang proklamasyon ng Duterte Youth habang hinihintay ang desisyon ng Comelec sa kanilang kaso.
Ang BH at Duterte Youth ay kapwa nanalo sa party-list race ngunit hindi pa mapoproklama dahil sa kani-kanilang legal na isyu.
Matatandaang noong Setyembre 2019, isang grupo ng mga lider-kabataan ang naghain ng petisyon upang ipawalang-bisa ang registration ng Duterte Youth, dahil umano sa maling representasyon nito sa sektor ng kabataan.
Pinaninindigan ni Duterte Youth Chairman Ronald Cardema—na dating kinatawan ng grupo sa Kamara bago kanselahin ang kanyang nominasyon—na dalawang beses nang pinahintulutang maupo sa Kongreso ang kanilang party-list noong 18th at 19th Congress. Dahil dito, iginiit niyang walang dahilan upang suspindihin ang kanilang proklamasyon para sa nalalapit na 20th Congress.
Ipinaliwanag naman ni Garcia na kaagad na naresolba ang kaso ng BH dahil ito ay teknikal lamang. Samantalang ang kaso ng Duterte Youth ay mas malalim at nangangailangan ng masusing pag-aaral ng mga isyu kaugnay ng representasyon.