Home NATIONWIDE PCG kukuha ng dagdag na 40 fast patrol craft para sa WPS...

PCG kukuha ng dagdag na 40 fast patrol craft para sa WPS ops

Manila, Philippines — Upang mapalawak ang kakayahan nito sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS), inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na kukuha ito ng 40 yunit ng 35-meter fast patrol craft (FPC) mula sa French shipbuilding company na OCEA.

Ayon sa pahayag ng PCG, nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr) at OCEA ang kontrata noong Huwebes bilang bahagi ng government-to-government financing agreement sa ilalim ng Agreement on Financial and Development Cooperation (AFDC) sa pagitan ng Pilipinas at France.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, kalahati ng mga FPC — 20 yunit — ay itatayo sa Pilipinas, isang hakbang na magpapatibay sa self-reliance ng bansa sa naval shipbuilding. Dagdag pa ni Gavan, makatutulong ito sa pagpapalago ng lokal na industriya sa maritime sector, pagbubukas ng trabaho, at paglipat ng teknolohiya mula sa dayuhang partner.

Kasama rin sa kasunduan ang siyam na taong Integrated Logistics Support (ILS) upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at pangmatagalang pagpapanatili ng mga bagong asset.

Inaasahan ng PCG na ang mga high-speed vessels ay magpapabilis at magpapahusay sa pagtugon sa iba’t ibang maritime threats gaya ng illegal fishing, smuggling, piracy, at maritime terrorism.

Bukod dito, inaasahang mapapalakas din ng mga bagong sasakyang-pandagat ang interoperability ng PCG sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at mga international partners sa larangan ng maritime security. Jocelyn Tabangcura-Domenden