
Ayon kina Dr. Giselle Gervacio, isang electrophysiologist at PHA director Dr. Luigi Pierre Segundo, ang tunay na sanhi ng sudden unexplained nocturnal death syndrome (SUNDS) o mas kilala bilang bangungot ay isang karamdaman sa puso na tinatawag na “arrhythmia” o iregular na tibok ng puso na maaaring magdulot ng biglaang cardiac arrest habang natutulog.
Isinantabi rin ni Dr. Gervacio ang ilang paniniwala tungkol sa bangungot tulad ng mga sumpa, sobrang pagkain ng bagoong, o labis na stress at inom ng alak. Hindi raw direktang sanhi ang mga ito, ngunit maaaring maging trigger kung may predisposisyon ang isang tao.
Inimbitahan ni Dr. Gervacio ang publiko na kilalanin ang “Brugada Syndrome” o isang seryosong kondisyon sa puso na may pagkakahawig sa bangungot at mas kilala sa kanluran. Pareho silang maaaring magdulot ng biglaang pagkamatay, ngunit ang karamdamang ito ay kayang matukoy sa pamamagitan ng ECG at magamot.
Kabilang sa sintomas ng Brugada Syndrome ang madalas na pagkahimatay, biglaang pagkakaitim ng paningin, palpitations o mabilis o iregular na tibok ng puso, at kakaibang pattern sa ECG.
Isa sa mga epektibong hakbang kontra sa arrhythmia ay ang Implantable Cardioverter Defibrillator (ICD) o isang maliit na aparatong inilalagay sa ilalim ng balat na nagmo-monitor ng tibok ng puso at nagbibigay ng kuryenteng panlunas kung may abnormalidad.
Makatutulong din ang pag-iwas sa mataas na lagnat, sobrang stress, at hindi malusog na pamumuhay upang mabawasan ang panganib ng bangungot o Brugada Syndrome.
Noong 2023, inilunsad ng UP-PGH at mga katuwang na organisasyon ang “Philippine Bangungot Program,” na may layuning mas mapalalim ang pag-unawa at lunas sa kondisyon.
Kabilang dito ang “Bangungot Project” at “Brugada Project” na parehong nakatutok sa paghanap ng genetic mutation na maaaring maging sanhi ng syndrome.
Layunin nilang bumuo ng genetic test kit na angkop sa mga Filipino upang maaga pa lamang ay magamot na ang mga may taglay nito.
Sa bagong kaalamang ito, tuluyang nabibigyang-linaw ang dating itinuturing na mahiwagang bangungot na ito ay hindi sumpa o masamang panaginip, kundi isang seryosong kondisyon sa puso na may lunas kung maagapan.