Home NATIONWIDE Comelec, Miru pumirma na ng kontrata sa Automated Election System sa 2025...

Comelec, Miru pumirma na ng kontrata sa Automated Election System sa 2025 poll

MANILA, Philippines – Tapos nang pumirma ng kontrata ang Commison on Elections (Comelec) at South Korean company na Miru Systems Company Limited ngayong Lunes, Marso 11 para sa procurement ng bagong automated election system (AES) para sa 2025 national at local elections.

Sakop ng P17.99 bilyong kontrata ang humigit-kumulang 110,000 machine at peripheral kabilang ang mga ballot box, laptop at iba pang kailangan sa pag-imprenta para sa 2025 elections.

Kasama ng Miru ang Integrated Computer Systems at St. Timothy Construction Corporation at Centerpoint Solutions Technologies, Inc. sa joint venture para sa Comelec procurement.

Pinangunahan ang paglagda ng kontrata nina Comelec Chairman George Garcia, Comelec Commioner Rey Bulay, at Miru Presidente Chung Jin Bok.

Ito ay dalawang linggo matapos ipahayag ng Comelec na iginawad ang kontrata sa Miru, ang nag-iisang bidder para sa procurement.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala ang ilang mga mambabatas, election watchdogs at iba pang grupo at nanawagan sa Comelec na manatiling bidyilante at suriin ang track record ng Miru.

Ayon naman sa Miru Systems, hindi totoo ang alegasyon ng failure of elections dahil sa kanilang teknolohiya.

Idineklarang hindi kwalipikado sa unang round ng bidding noong Disyembre 2023 ng Miru dahil sa kabiguan nitong matugunan ang mga legal na kinakailangan ng kontrata sa pagpapaupa.

Nagsagawa ng ikalawang round ng bidding ang Comelec Special Bids and Awards Committee kung saan nagsumite ang Miru ng mga bagong dokumento.

Noong Enero, itinuring na karapat-dapat ang Miru na magpatuloy sa proseso ng pag-bid pagkatapos sumunod sa lahat ng legal at pinansyal na kinakailangan para sa proyekto. Jocelyn Tabangcura-Domenden